Para hindi maantala ang kalakalan NAKATAMBAK NA BASYO TANGGALIN AGAD – RUIZ

Ni JOEL O. AMONGO

KAGYAT na aksyon ang naging tugon ng Bureau of Customs-Port of Manila (BOC-POM) sa idinulog na problema ng mga negos­yante, customs brokers at mga trucking firm hinggil sa perwisyong dulot ng pagsisikip ng mga daungan.

Daing ng Practicing Customs Brokers Association of the Philippines (PCBAP) at Port Truckers Association (PTA), lubhang naaantala ang paglalabas ng kanilang kargamento dahil sa pagsisikip sa lugar kung saan nakabarega ang mga container (basyo) na pinaglalagyan ng mga naunang kargamento.

Ayon kay Reynaldo Soliman ng PCBAP, lubha silang apektado sa pagsisikip ng mga pasilidad ng Port of Manila at Manila International Container Port (MICP) dahil sa hindi magawang idiskarga ng mga barko ang kanilang mga kargamento dahil sa pananatili ng mga basyong container sa itinakdang lugar para sa dumarating na kalakal.

Daing pa niya, mahapdi ang bawat oras na nakatengga ang kanilang kargamento dahil sa dagdag-gastusing kalakip sa bawat oras na hindi makababa ng barko ang kanilang kargamento. Maging ang pre­syo aniya sa merkado apektado sa tuwing naaantala ang pagdadala ng mga kalakal sa merkado at mga sangkap na kailangan ng mga pabrika sa ginagawang produkto.

Tugon naman ng BOC, kumikilos na ang Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG) kasama ang Port of Manila para sa agarang pagpapatupad ng mga programang magbibigay-kaluwagan sa mga tinukoy na distrito.

Katunayan anila, nakiki­pag-ugnayan na ang BOC-POM sa Asian Terminals Inc. (ATI) at Association of International Shipping Lines (AISL) para sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Empty Loadout Shipping Agreement (ELSA).

Sa ilalim ng naturang kasunduan, obligadong i-karga ng mga barkong nakadaong sa Manila South Harbor ang mga basyong container – “regardless of which shipping line owned such containers.”
“The ELSA initiative is one of the measures implemented at the Port to free up the terminal yards of empty containers for load-out and repositioning in other countries and to maintain a healthy yard utilization rate,” dagdag pa ng kawanihan sa kanilang pahayag.

Samantala, inatasan na rin ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang iba pang distrito na paspasan ang pagpapaluwag ng mga “terminal yard” bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mas mara­ming kargamento sa papalapit na panahon ng Kapaskuhan.

Bahagi rin ng direktiba ng BOC chief ang agarang pagdi­dispatsa ng mga kumpiskado at abandonadong kargamentong nakatambak sa 17 distritong pinangangasiwaan ng pinamumunuang ahensya.

Sa datos ng kawanihan, umabot na sa 893 “overstaying containers” sa iba’t ibang pasilidad ng BOC ang isinubasta para sa unang walong buwan ng kasalukuyang taon. Tumataginting na P237 milyon naman ang pumasok na pera mula sa mga public auction ng mga kumpiskadong kalakal na laman ng 318 containers.

Bukod sa mga naisubasta, 519 containers naman ang kinondena habang 56 naman ang ibinigay na lamang ng libre sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa Port of Manila, isinubasta na rin ang mga kumpiskadong kalakal na laman ng 87 containers habang nasa 175 ang winasak bilang bahagi ng mandato ng naturang kawanihan.

Related posts

Leave a Comment