Para sa 1st quarter ng 2022 P60-B KITA PASOK SA FUEL MARKING

TUMATAGINTING na P60.15 bilyon ang ipinasok na pondo ng Bureau of Customs (BOC) para sa unang tatlong buwan pa lang ng kasalukuyang taon sa pagpapatuloy ng pina­igting na programa kontra fuel smuggling.

Sa pahayag ng BOC, ang nasabing halaga ay katumbas ng buwis at taripang nalikom mula sa 4.724 milyong litro ng mga produktong petrolyong inangkat ng 28 kumpanya ng langis para sa mga buwan ng Enero, Pebrero at Marso sa ilalim ng umiiral na Fuel Marking Program ng nasabing kawa­ni­han.

Sa datos ng ahensya, pumalo na sa 39.316 bilyong litro ang dumaan sa pagsusuri ng BOC sa hangaring tiyaking bayad ang buwis ng mga produktong petrolyong ibinebenta sa merkado.

Mula nang simulan ang naturang programa noong Setyembre 2019, may kabuuang P374.13 bilyon na ang nalikom ng ahensya, bukod pa sa mga kasong isinampa sa 12 retail pumping stations at dalawang kumpanyang nabulilyaso.

Pinakamalaki ang puma­sok na kita mula sa krudo (60.51%), na sinundan ng gasolina (38.97%) at kerosene (0.52%).

Pinakamataas naman ang antas ng fuel marking program sa Luzon na nakapagtala ng 73.66%, kasunod ang Mindanao na may 20.9% at Visayas na mayroong 5.44%.

Sa ilalim ng fuel marking program ng BOC, kumpiskado rin ang 93,043.80 litro ng krudo, 18,839 litro ng kerosene at dalawang trak na gamit sa pagdadala ng mga smuggled fuel sa iba’t ibang panig ng bansa.
(JO CALIM)

130

Related posts

Leave a Comment