PASKONG TUYO SA MGA PILIPINO

IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO
HINDI na umaasa pa ang mga Pilipino na magiging maganda ang kanilang pagdiriwang ng Pasko at Pagsalubong ng Bagong Taon ngayong 2023.
Dahil hindi na rin sila umaasa na bababa pa ang presyo ng pangunahing mga bilihin sa bansa ngayong taon.
Sa katunayan, sa mga palengke ng Novaliches sa Quezon City, na isa sa mga lugar sa Metro Manila na kilalang may mababang presyo ng mga bilihin, ay nananatiling mahal ang pa­ngunahing mga bilihin.
Ang sibuyas ay nananatiling nasa P160 ang kada kilo, ang kamatis ay P150 habang P160 ang bawang.
Nasa P260 ang liempo, P240 ang laman ng baboy, mabibili naman sa P330 ang kada kilo ng karneng baka.
Tumaas naman ng mahigit kumulang sa dalawang daang piso ang isang sakong bigas na may timbang na 25 kilos.
Kamakailan ay naglabas ang gobyerno ng tinatawag na Mandated Price Ceiling sa bigas sa buong bansa.
Base sa inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI), nagpataw sila ng Mandated Price Ceiling na P41 kada kilo ng regular milled rice at P45 naman kada kilo sa well-milled rice.
Ang regulasyong ito ay tila suntok sa buwan dahil may kinahaharap na world crisis sa suplay ng bigas.
Paano na ang mga restaurant na nag-o-offer ng unli-rice? Tanong ng tagasubaybay ng Imbestigahan Natin.
Kapag nagkataon, mapipilitan ang mga Pilipino na mag-alternate ng pagkain sa kamoteng kahoy, kamoteng baging at saging sa halip na bigas ang ihain sa kanilang mga hapag kainan.
Sa panahon ngayon, inaani na natin ang resulta ng matagal nang walang suportang gob­yerno sa mga magsasakang Pilipino.
Namihasa kasi ang mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.
Tinaguriang agricultural country ang Pilipinas, pero kinakapos tayo ng agri-products? Anyare sa atin?
Pumasok na ang unang buwan ng BER months (Setyembre) na, hindi pa rin bumaba ang presyo ng pangunahing mga bilihin. Paano na?
Kaya ang publiko ay hindi na umaasa na bababa pa ang presyo ng mga ito hanggang Disyembre kung kailan magaganap ang maraming handaan.
Kaya karamihan sa mga natanong ng Imbestigahan Natin, kung ano ang kanilang masasabi sa darating na Disyembre, ay iisa ang kanilang sagot, walang iba kundi, “PASKONG TUYO” ang kanilang inaasahan.
Kawawang lahi ni Juan dela Cruz, hindi na nakahinga sa kahirapan.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
307

Related posts

Leave a Comment