PINAS, AUSTRALIA SANIB-PWERSA KONTRA YOSI, DRUG SMUGGLING

BUKOD sa mga ikinasang mekanismo ng mga karatig bansa sa timog-silangang Asya, lumagda na rin sa isang kasunduan ang Bureau of Customs (BOC) sa pamahalaan ng bansang Australia para sa isang sabayang pagkilos sa hangaring wakasan ang malawakang operasyon ng mga sindikato sa likod ng cigarette at drug smuggling.

Sa pagdalaw nina Supt. John Fleming ng Australian Border Force at First Secretary Melissa Kelly, hayagang nagpahayag ng suporta ang mga tumayong kinatawan ng bansang Australia sa kampanya ng kawanihan laban sa illegal smuggling ng sigarilyo at droga.

Matapos ang pulong sa pagitan nina Fleming, Kelly at Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, nagkasundo ang tatlong opisyal para sa kolektibong hakbang at palitan ng impormasyon at kaalaman sa modernong teknolohiya para sa isang layon – ganap na wakasan ang illegal smuggling na anila’y nagsisilbing dagok sa ekonomiya ng kani-kanilang bansa.

Batay sa impormasyong nakalap ng SAKSI NGAYON, lumalabas na pasok din sa binabalangkas na mekanismo ang United States Customs and Border Protection at Japan Customs Bureau bilang katuwang sa giyera kontra “pirata”.

Base sa datos ng BOC, kabilang ang Zamboanga sa mga paboritong “paraiso” ng mga sindikatong patuloy na nagpupuslit ng mga ilegal na kontrabandong dinadaan sa malawak na karagatan sa katimugan – sa kabila pa ng kabi-kabilang pagtugis, pagsamsam ng mga kontrabando, pag-aresto sa mga miyembro ng sindikato at paghahain ng karampatang kaso sa husgado. (JO CALIM)

32

Related posts

Leave a Comment