Pinuslit galing sa China, na naman! SIBUYAS BISTADO SA MICP

SA kabila ng pagbaba ng pre­syo ng sibuyas sa merkado, patuloy ang mahigpit na implementasyon sa mas mahigpit na pagsusuri ng mga kargamento, ayon sa Bureau of Customs (BOC).

Bilang patunay, 18 containers na naglalaman ng mga sibuyas galing sa bansang China ang kumpiskado sa mga operatiba ng kawanihan matapos magpositibo ang timbre sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng isang impormanteng nagnguso sa panibagong tangkang magpuslit ng mga produktong agrikultura sa Manila International Container Port (MICP).

Sa kalatas ng BOC, bulilyaso ang kargamentong idineklara bilang ‘pizza dough’ at ‘fishball’ na kapwa napag-alamang walang kalakip na sanitary at phytosanitary clearance mula sa Bureau of Plant Industry (BPI).

“The shipments are co­vered by several Bills of Lading and various goods declarations and are said to contain pizza dough and fish balls,” ayon sa BOC.

“The pizza doughs used to conceal the red and yellow onions were also not covered by the mandated license and permit from the Food and Drug Administration,” dagdag pa ng kawanihan.
Pagtataya ng ahensya, aabot sa P77 milyon ang kabuuang halaga ng mga kumpiskadong sibuyas mula sa bansang China.

Sa bukod na pahayag, tiniyak naman ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ang walang patumanggang pagtugis sa mga utak-sindikatong nanlalamang sa pamahalaan sa pag-iwas sa taripa at buwis na kalakip ng ipinapasok na kargamento.

“The BOC shall continue to maximize its intelligence resources and capabilities and intensify enforcement measures against unscrupulous importers and their cohorts to combat smuggling attempts, especially those involving agricultural goods which are inimical to our local farmers and businesses.”

Buwan ng Enero nang aprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng 21,060 metriko to­neladang sibuyas sa hangaring sumapat ang suplay sa mga pamilihan makaraang sumipa hanggang sa P700 ang presyo ng sibuyas kada kilo noong hu­ling tatlong buwan ng nakalipas na taon.

Para sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), P80 lang kada kilo ang angkop na bentahan ng sibuyas na nabibili lang diumano sa halagang P55 per kilo mula sa mga lokal na magsasaka.
Batay sa pinakahuling datos ng grupo, naglalaro pa rin sa 150 hanggang P180 ang presyo ng sibuyas sa lokal na merkado. (JO CALIM)

294

Related posts

Leave a Comment