UNANG buwan pa lang ng 2022, agad na nagpasiklab ang Port of Cebu makaraang nakapagtala ng 70% na labis sa kanilang itinakdang January revenue collection target.
Sa tala ng Bureau of Customs (BOC), nakapagpasok agad ang Port of Cebu ng tumataginting na P3,311,489,821.67 – katumbas ng 70% na labis kumpara sa P1.942-bilyong revenue collection target para sa buwan ng Enero.
Batay sa datos ng ahensya, lumalabas na record-breaking para sa Port of Cebu ang naitalang collection at ang kalakip na P1.370-bilyong surplus, mula sa buwis at taripang katumbas ng mga pumasok na mga kalakal, kabilang ang mga produktong petrolyo, electrical at non-electrical merchandise, bakal at bigas mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Binigyang pagkilala naman ng pamunuan ng nasabing tanggapan ang sigasig ng mga kawani at ang pakikipagtulungan ng mga stakeholders para tiyakin ang maayos na kalakalan sa nasabing lalawigan. (BOY ANACTA)
349