SA hangaring tiyakin ang pag-usad ng kalakalan, inilatag ni bagong Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang mga prayoridad ng kawanihan sa ilalim ng kanyang liderato.
Sa pahayag ng Bureau of Customs (BOC), kabilang sa mga prayoridad ng bagong talagang BOC chief ang pagtugis sa mga sindikato sa likod ng malawakang smuggling sa iba’t ibang panig ng bansa.
Pasok din sa kanyang talaan ang pagrerebisa ng mga umiiral na prosesong angkop aniyang gawing simple para sa mas malawak na kalakalang inaasahang magsasampa ng mas mataas na koleksyong kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento.
Tiniyak din ni Rubio na hihigitan pa ng BOC ang buwanang collection target upang makapag-ambag ng mas malaking pananalaping panustos ng gobyerno sa mga makabuluhang programa at proyekto para sa sambayanang Pilipino.
Hindi rin umano dapat kaligtaan ang sakripisyo ng mga BOC personnel na sumusugal sa peligro sa tuwing may operasyon kontra smugglers. Dapat din aniyang kilalanin ang katapatan ng mga empleyadong tapat na nagseserbisyo.
“These priorities are – hit and surpass the revenue target, simplify and secure the facilitation of trade, curb smuggling of any form, and uplift the morale of the men and women of the Bureau of Customs,” ani Rubio.
Para sa kasalukuyang taon, inaasahan ang BOC na makapag-ambag ng hindi bababa sa P901.3 bilyon. Sa naturang halaga, kabilang ang P570 bilyon mula sa value-added tax na kalakip ng mga inaangkat na produkto, P207.4 bilyon mula sa excise tax, P105.1 bilyon mula sa import duties at P18.5 bilyon mula sa iba pang singilin ng kawanihan sa mga importer, exporter, clearance at iba pa.
Paglilinaw ni Rubio, itutuloy ng kanyang tanggapan ang mga magandang nasimulan ng pinalitang dating Commissioner Yogi Filemon Ruiz, kasabay ng pagtitiyak na bubuksan ang rekord ng mga transaksyon ng kawanihan sa publiko.
Tubong Batac, Ilocos Norte si Rubio na nanilbihan sa BOC sa nakalipas na 22 taon.
“Over and above, I aspire to foster a healthier trade environment which will contribute to the expansion and economic recovery of the country by equipping the Bureau of Customs with better and modernized mechanisms for trade facilitation, and a more improved collection efficiency through the introduction of these sustainable reforms,” pagtatapos ng BOC chief.
