PUSLIT-YOSI BISTADO SA SULU, KONTRABANDO KUMPISKADO!

SANDAMAKMAK na abandonadong smuggled na sigarilyo ang sinamsam kamakailan ng mga opera­tiba ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isinagawang inspeksyon ng pampasaherong barkong patungo sana sa Zamboanga.

Sa paunang imbestigasyon, aabot sa 10 mala­king kahon na naglalaman ng 300 reams – katumbas ng halagang P210,000 – ang sinasabing inabandona ng isang pasaherong lulan ng MV Ever Queen of the Pacific na noo’y nakadaong sa Port of Siasi sa lalawigan ng Sulu.

Batay sa kalatas ng PCG, nagsasagawa umano ng inspeksyon kontra droga ang mga operatiba nang hindi sinasadyang napansin ang 10 kahon at anim na malalaking bag na kasama ng mga bagahe ng iba pang pasahero.

Sa pag-aakalang droga ang laman ng mga misteryosong kargamento, agad na dinispatsa ang K-9 unit. Subalit sa halip na droga, sandamakmak na imported na sigarilyo ang tumambad – hudyat para agad samsamin ang nadiskubreng kontrabando.

“Paneling procedures are carried out by Coast Guard K-9 personnel to make sure that allegedly smuggled cigarettes do not contain illegal substances or improvised explosive devices (IEDs),” ayon sa PCG. (JOSE OPERARIO)

26

Related posts

Leave a Comment