PWERA BOLANG PAPEL NG BOC SA FIBA CUP

IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO

Hindi lang pangkalakalan, kundi pang-sports pa! ‘Yan na ngayon ang Bureau of Customs (BOC).

Bakit kamo? Ang BOC ay kasama sa miting na ginawa kamakailan sa paghahanda ng FIBA World Cup na gaganapin sa Pilipinas sa Agosto 25 hanggang Setyembre 10, 2023.

Si Commissioner Bienvenido Rubio at ilang opisyal ng Customs ay nakipagkita kamakailan sa mga pinuno ng Philippine sports, business at export industries para pag-usapan ang preparasyon sa highly anticipated FIBA Basketball World Cup.

Kasama sa mga dumating sa miting ay sina Chairman Richard Bachman ng Philippine Sports Commission (PSC), President George Barcelon ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), President Sergio Ortiz ng PhilExport, Director Sheila Cataloni ng Department of Finance (DOF), at FIBA’s IRP and Government Relations Head, Pauline Ick.

Layunin ng miting na ito ay para tiyakin ang Pilipinas ay ganap na handa sa pagho-host sa FIBA Basketball World Cup.

Ang BOC ay may mahalagang papel sa pagtitiyak na maging maayos na pagdating ng mga bisita at manlalaro at sa tamang oras ng pagre-release ng basketball equipment and logistical requirements.

Makatutulong ito para maging maayos ang takbo ng operasyon, na mag-aambag sa pangkalahatang tagumpay ng pandaigdigang paligsahan.

Tama lang na paghandaan nang maayos ng gobyerno ng Pilipinas ang FIBA Basketball World Cup na ito dahil pangalan ng bansa natin ang nakasalalay rito.

Kailangang ipakita natin sa mga darating na bisita at mga manlalaro na mula pa sa iba’t ibang bansa – na kahit mahirap lang ang Pilipinas, ay nagkakaisa at mapagmahal sa mga bisita.
Nakilala ang mga Pilipino sa pagiging mabait sa mga bisita, lalo na sa mga dayuhan.

Kaya nga pati sa abroad ay kinagigiliwan ang mga Pilipino dahil sa pagiging masinop at mapagmahal sa kanilang mga amo.

Malaking tulong sa turismo at negosyo ng Pilipinas ang gaganaping FIBA Basketball World Cup dito dahil maraming dayuhang manlalaro at kasama nila ang dadating.

Kinakailangang tiyakin din ng ating mga awtoridad na ligtas at walang mapapahamak na dayuhan sa panahon ng pagdaraos hanggang sa makauwi sa kani-kanilang mga bansa ang mga bisitang manlalaro at mga kasama nila.

Magiging katuwang ng Pilipinas bilang host country ang mga karatig bansa sa rehiyon ng Asya – kabilang ang Japan at Indonesia.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o tumawag sa tel. # (02) 8552-99-46.

35

Related posts

Leave a Comment