Record-breaking BOC collection P70.72B BUWIS PASOK SA BUWAN NG MARSO

boc pera

TUMATAGINTING na P70.72 bilyong pondo ang ipinasok ng Bureau of Customs (BOC) para lang sa buwan ng Marso bunsod ng mas masiglang kalakalang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento.

Sa tala ng BOC, lumalabas na higit na mataas ang nalikom na pondo nitong nakaraang Marso mula sa buwis at taripang kalakip ng mga kargamento kumpara sa itinakdang P57.69 bilyong target para sa naturang buwan – katumbas ng 22.6% na labis sa koleksyon.

“The BOC posted a surplus of P13.037 billion or 22.6% higher than its target, and remarkably, the bureau has consistently met and exceeded its monthly revenue collection target since January this year,” saad ng BOC sa isang pahayag.

Sa taunang datos, lumalabas rin mas malaki ng 29% ang naitalang koleksyon na kawanihan nitong Marso 2022 kumpara sa P54.5 bilyong kita noong Marso ng nakalipas na taon.

Ayon pa sa BOC Financial Service, 14 sa kanilang 17 district collection offices ang nakalikom ng sapat o higit pa sa kani- kanilang takdang buwanang target kabilang ang Ports of San Fernando, Manila, Batangas, Iloilo, Cebu, Cagayan de Oro, Zamboanga, Davao, Subic, Clark, Aparri at Limay. Pasok din sa 14 na tanggapang binigyang pagkilala ang Manila International Container Port (MICP) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Para sa unang tatlong buwan ng 2022, pumalo na sa P188.506 bilyon ang pumasok na kita sa kawanihan – katumbas ng 27.8% ng P679.226 na target para sa buong taon.

Kabilang sa nakikitang dahilan sa maagang pagsirit ng koleksyon ng BOC ang mas mataas na antas na kalakalang kalakip ng pumapasok na kargamento, pinahusay na pagtatala (valuation), at sigasig ng mga kawani sa mga collection district ng naturang ahensya ng gobyerno.

Sa panig naman ng Department of Finance (DOF), malaking bentahe anila ang mga repormang kalakip ng programang modernisasyon ng BOC kabilang ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa mga transaksyon sa kawanihang pinangangasiwaan ng naturang kagawaran.

Sa programang modernisa­syon ng BOC, pinag-isa ang mga naitatalang datos ng Ports of Manila, Cebu, Davao at MICP and the MICP para sa angkop na monitoring ng Customs Operation Center (COC).

Kabilang din sa isinusulong na programa ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga inisyatiba sa ilalim ng cargo targeting system, full automation sa lahat ng kanilang tanggapan at ang pagbubukas ng isang “24-7 day and night payment system” para sa mas mabilis na kalakalan.

Nito lamang nakalipas na taon, pumalo sa P645.77 bilyon (4.7% mas mataas sa itinakdang P616.75 annual target) ang pumasok na ganansya sa ahensya.
(BOY ANACTA)

155

Related posts

Leave a Comment