RUBIO FACTOR SA BOC

Imbestigahan Natin
Ni JOEL O. AMONGO

SA tuwing may bagong itinatalaga ang isang Pangulo sa Bureau of Customs (BOC), karaniwan ang paglalatag ng mga prayoridad alinsunod sa programa ng administrasyon – malusog na kalakalan, mataas na antas ng koleksyon, pagtugis sa mga sindikato at ang pagwawalis ng anay sa kawanihan

Sa pagpasok ni Bienvenido Rubio sa BOC bilang Commissioner (kapalit ni Yogi Filemon Ruiz), kapuna-punang hindi hamak na mas kaunti ang nasa talaan ng kanyang priority program.

Sa ilalim ng five-point priority program ni Rubio, tampok ang full digitalization sa proseso ng kalakalang pinangangasiwaan ng kawanihan.

Sa isang banda, may punto si Rubio. Bakit kamo?

Sa sandaling maabot ng BOC ang siento-por-syentong modernisasyon sa proseso ng kalakalan, kaladkad na ang iba pang reporma at programa ng kawanihan.

Unang sisipa ang kalakalan sa bisa ng modernong teknolohiya kung saan ang prosesong noon na inaabot ng siyam-siyam, saglit na oras na lang ang ilalaan.

Ang resulta – mas maraming banyagang negosyante ang maeengganyo pagpasok ng iba’t ibang legal na produkto sa lokal na merkado. Gayundin ang hanay ng mga lokal na negosyanteng target ibenta ang mga gawang-Pinoy sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ikalawang bentahe ng full-digitalization ng BOC ang malilikom na pondo mula sa buwis at taripang kalakip ng pumapasok at lumalabas na kargamento.

Ikatlo, iwas ang usapang under-the-table sa pag-arangkada ng automated process. Ang mga miyembro ng grupong Pera-Paraan Gang na pinahihirapan ang mga negosyante, hindi na makaka-diskarte. Sa madaling salita — ang dilehensyang dati-rating napupunta sa bulsa, papasok na sa kaban ng bayan.

Ikaapat ay ang kampanya ng kawanihan laban sa malawakang operasyon ng mga sindikato sa likod ng illegal smuggling. Gamit ang mga modernong pasilidad at kagamitan, mas madaling mabi­bisto, matutukoy, masusukol hanggang sa makulong ang mga sindikato.

Kapansin-pansin din ang pagsusulong ni Rubio sa kapakanan at moralidad ng mga kawani.

Tulad ni Rubio, naniniwala rin akong higit na ang­kop na kilalanin ang sakripisyo ng mga em­pleyadong sukdulang ibuhos ang kaalaman, sigasig at katapatan sa kani-kanilang trabaho.

Kung babalikan natin ang nakaraan, mga em­pleyado ng BOC ang matapang na nakipagpatintero sa peligrong dala ng COVID-19 sa hangaring hindi maantala ang kalakalan at ang pagpasok ng mga medical supply na panlaban sa nakamamatay na sakit mula sa bansang China.

Balik tayo sa modernisasyon. Batay sa pinakahuling impormasyon mula sa Department of Finance, lumalabas na nasa 94% na completion rate ang BOC digitalization.

Konting kembot na lang, pwede na tayo maki­pagsabayan!

44

Related posts

Leave a Comment