Ni JOEL O. AMONGO
TUMATAGINTING na P150-milyong halaga ng mga pinekeng designer apparels, appliances at iba pa ang tumambad sa mga operatiba matapos salakayin ng Bureau of Customs (BOC) ang isang bodega sa Lungsod ng Imus sa lalawigan ng Cavite.
Bitbit ang pirmadong letter of authority mula sa tanggapan ni Customs Commission Yogi Filemon Ruiz, pinasok ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), kasama ang pulisya at kinatawan mula sa nakakasakop na barangay ang pasilidad ng Hong Yun – REGI sa kahabaan ng M. Salud Road sa Barangay Alapan-II sa naturang lungsod.
Pagpasok sa loob ng bodega, hindi makapaniwala ang mga operatiba sa kanilang nakita – santambak na produktong pinaniniwalaang pineke at ipinuslit sa bansa ng isang malaking sindikato.
Sa isinagawang imbentaryo, lumalabas na papalo ng higit pa sa P150 milyon ang halaga ng mga kasuotang kargado ng mga mamahaling tatak, mga appliance, gadget at mga accessory na nakalagak sa naturang bodega.
Kabilang sa nadiskubre ng mga Customs agent ay mga ready-to-wear garments mula sa brands na gaya ng Dickies, Mossimo, Bench, Levi’s, Puma, Fila, Mickey Mouse, Hello Kitty, at iba pa, gayundin ang mga appliance at general merchandise.
“From top to bottom, we are united in our aim to see our markets free from these contrabands as well as smuggled fake products,” pahayag naman ng BOC chief.
