SANTAMBAK NA SMART TV ATBP, HAGIP SA BULACAN

HINDI bababa sa P20 milyon halaga ng mga pinaniniwalaang smuggled na smart televisions at computers ang sinamsam ng mga operatiba mula sa Bureau of Customs (BOC) matapos salakayin ang isang bodega sa lalawigan ng Bulacan.

Bitbit ang Letter of Authority, pinasok ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Port of Manila ang pasilidad ng ECOM Electronics Reconditioning Services sa loob ng RIS Industrial Complex sa bayan ng Guiguinto ng naturang lalawigan.

Sa kalatas ng ahensya, nakatanggap ng timbre ang BOC mula sa isang impormante hinggil sa bagsakan ng mga smuggled appliances at office equipment sa Barangay Malis sa nasabing bayan.
Kasama ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), tinungo ng mga tauhan ng CIIS at Enforcement and Security Service (ESS) ang target na bodega kung saan tumambad ang sandamakmak na smart TVs at computers.

Nadiskubre rin ang kahon-kahong lamination machines, packaging supplies at mga materyales na karaniwang ginagamit sa reconditioning at pagkukumpuni ng mga telebisyon at appliances.

Nang hanapan ng mga kaukulang dokumentong patunay na legal na ipinasok sa bansa ang mga nadiskubreng kontrabando, wala anilang naipakita ang mga kinatawan ang pinasok na bodega.

Matapos isagawa ang imbentaryo, agad na ikinandado ang pasilidad na pinababantayan 24 oras sa hangaring tiyakin na hindi na mailalabas ang mga kinumpiskang kontrabando.

Gayunpaman, binigyan naman ng palugit ang may-ari ng mga sinamsam na smart TV at computer ng makapagsumite ng mga patunay ng pinagbayaran ng buwis at taripang kalakip ng mga inangkat ng kargamento.

“This marks another successful effort in combating smuggling activities and upholding customs regulations in the country. The BOC remains committed to safeguarding the nation’s borders and ensuring compliance with importation laws,” ani Customs Commissioner Bienvenido Rubio sa isang pahayag. (JOSE OPERARIO)

275

Related posts

Leave a Comment