SAYANG WALANG KAPANTAY SA PADALANG HINIHINTAY

Imbestigahan natin
Ni JOEL O. AMONGO

BAGAMA’T mayroon pang dalawang buwan bago ganap na sumapit ang araw ng Pasko, wala nang pagsidlan ng saya ang mga kaanak ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa maagang handog ng Bureau of Customs (BOC).

Sino ba naman kasi ang hindi matutuwa sa maagap na tugon ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz at Manila International Container Port (MICP) sa idinulog na problema hinggil sa mga balikbayan box na nakatengga.

Ang totoo, marami sa mga pinadalhan ang halos nawalan na ng pag-asang makukuha pa ang balikbayan boxes na handog ng kanilang nagtatrabahong kaanak sa ibayong dagat. Dangan naman kasi, masyadong magulang ang mga international consolidator na pinagkatiwalaan maghatid ng mga handog na mula pa sa dugo’t pawis ng mga tinaguriang bagong bayani.

Ang siste, kumpleto ang binayaran ng mga OFW sa mga international consolidator para lang makasigurong makararating sa kanilang pamilya ang pinaghirapang padala. Ang masaklap, bagama’t nakarating naman sa Pilipinas, hindi naging ganap ang kasiyahan ng mga nananabik na kaanak nila.

Paano ba naman kasi, ‘di pala binayaran ng mga tinukoy na international consolidators (All Win at Island Kabayan Express na pawang nakabase sa ibang bansa ang taripa, buwis at iba pang bayarin sa kawanihan at maging sa sumalong local forwarding companies.

Dito na pumasok ang bibong komisyoner na kagyat na pinulong ang mga forwarding company (CMG International Movers and Cargo Services, FBV Forwarder and Logistics Inc., at Cargoflex Haulers Corporation) para bumalangkas ng mekanismong tugon sa idinulog na suliranin ng mga nadenggoy na OFWs.

Ang resulta – everybody happy, ika nga.

Base sa pinakahuling tala ng BOC, pitong containers na naka-consign sa CMG ang ganap nang nai-deliver sa mga nakatalang tirahan ng mga pamilya ng mga manggagawang Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat.

Samantala, naglabas naman ng abiso ang kawanihan na pwede ng kunin sa Portnet Logistics Inc. sa Sta. Ana, Maynila ang mga balikbayan box na ipinagkatiwala sa Island Kabayan Express. Para naman sa mga balikbayan box na nasa pag-iingat ng All Win, maaari umanong sadyain ang mga padala sa Hobart Warehouse sa bayan ng Balagtas sa lalawigan ng Bulacan.

Pero teka, para iwas-aberya hindi dapat kalimutan ng mga pinadalang kaanak ng OFWs na magdala at magprisinta ng orihinal na sipi ng Bill of Lading, invoice, at dalawang two valid ID.
Ang maganda pa, wala ng babayaran kahit singkong du­ling. Kaya naman ang mga kaanak ng mga OFW, siguradong merry ang pasko.

17

Related posts

Leave a Comment