SUKDULAN kung ilarawan ngayon ang inaabot na sakit ng ulo ng mga utak-sindikatong negosyante sa likod ng onion smuggling. Dangan naman kasi, may hayagang direktiba na ang Pangulo sa Bureau of Customs (BOC) – pagpasok ng sibuyas sa Pinas, tablado na.
Sinong negosyante ba naman kasi ang hindi mamomroblema kung kabi-kabila na ang kanilang inilargang kwarta – sa mga tiwaling nasa loob mismo ng ahensya, sa pinagmumulan ng supply nila at sa barko kung saan ikakarga ang ipupuslit na kargamento.
Sa isang banda, angkop lang naman protektahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang interes ng lokal na industriyang unti-unting pinapatay ng sindikatong nag-i-smuggle ng mga produktong galing sa bansang Tsina.
Sino-sino nga ba ang apektado ng onion smuggling? Una ang mga Pilipinong magsasaka. Sila yaong literal na nagtatanim at namumuhunan ng oras at pagod pero sa bandang huli, sila pa ang lugi.
Bakit kamo? Hindi sila makasabay sa bentahan ng sibuyas sa merkado kung saan mas mababa ang presyo ng mga smuggled na sibuyas. Paano nga naman mabibili ang kanilang ani kung bagsak-presyo ang alok ng iba.
Ang masaklap, hindi naman nagbabayad ng buwis ang mga agri-smugglers – kasi nga ilegal hindi ba? Tapos ang ending, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta na lang kahit palugi ang ani nila kesa nga naman mabulok lang sa kanila. May iba pa nga, nauuwi na lang sa basura kasi nga hindi na mabibili ang sibuyas na nabulok na sa kanila.
Kung pagbabatayan ang siklo ng merkado, lubhang mataas ang demand sa supply ng sibuyas sa mga buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre dahil sa kabi-kabilang handaan sa panahon ng kapaskuhan at pagpasok ng bagong taon.
Ang totoo, hindi paborable sa mga konsyumer ang pagtangkilik sa mga smuggled na sibuyas. Ayon mismo sa mga dalubhasa, walang katiyakan ligtas ikonsumo ang mga smuggled na sibuyas lalo pa’t hindi dumaan sa wastong pagsusuri ang mga ito bago pa man ibenta sa merkado.
At heto pa, sa sandaling tuluyang mamatay ang kabuhayan ng mga magsasaka, tuluyan nang makokontrol ng mga sindikato ang presyo ng sibuyas sa merkado.
Katunayan, nagsisimula na ang kanilang pagsasamantala batay sa huling pagtataya. Ayon sa mga ulat, pumalo na sa P200 kada kilo ang sibuyas sa mga pamilihang bayan. Kasi nga naman wala na silang kakumpetensya.
Sa ganang akin, ang matinding dagok ang direktiba ng Pangulo sa hanay ng mga uak-sindikato.
