Ni CREMA LIMPIN
HINDI nakalusot ang panibagong tangkang pagpupuslit ng mga produktong agrikultura ang isang sindikato matapos masabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang hindi bababa sa P17-milyong halaga ng mga sibuyas mula sa bansang Tsina, matapos ikubli sa likod ng isa pang ilegal na kargamento.
Sa kalatas ng BOC, tinangkang palusutin sa Port of Manila ang tatlong dambuhalang container na nakatala sa dalawang kumpanya – ang SB Express Logistics at Business Solution Inc.
Batay sa mga dokumentong kalakip ng mga nasabat na containers, idineklarang mga segunda-manong kasuotang pambabae at mga gamit pambahay ang laman ng kargamentong pakay ng isang alert order matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagpasok ng kargamentong naglalaman ng bulto-bultong ukay-ukay.
“The bureau has, so far, examined, detained, and seized hundreds of millions worth of shipments that contain agricultural products this month alone. If they think they can use the ‘ukay-ukay’ to hide the onions, they are mistaken,” sambit sa isang pahayag ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
“We swore to protect the country’s borders from this kind of illegal activity. But much more than that, we are also trying to protect our people, many of whom are deeply affected—and have been crying out — against the prices of the most basic of our food products,” dagdag pa niya.
Sa isinagawang inspeksyon kasama ang mga kinatawan mula sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan sa kargamentong inakala nilang naglalaman lang ng mga ukay-ukay, tumambad ang bulto-bultong sibuyas na itinago pa sa pagitan ng mga sako-sakong segunda-manong damit.
Bunsod ng bulilyaso, agad na naglabas ng direktiba ang BOC chief para piitin ang pitong iba pang containers na nakapangalan sa mga naturang kumpanya para sa pagsusuri ng mga dokumento at laman ng mga container.
