SMUGGLED LUXURY CAR BISTADO SA DAVAO CITY

HINDI pa man ganap na nasusubasta ang nalalabing smuggled vehicles na nasabat ng Bureau of Customs (BOC) nitong nakaraang taon, isa na namang luxury car ang nahagip kamakailan ng kawanihan sa Lungsod ng Davao.

Sa tulong ng isang impormante, bulilyaso ang isang puting Porsche 911 GT3 RS sports car na ibiniyahe mula sa bansang Japan. Batay sa mga dokumentong kalakip ng kargamentong idineklarang segunda-manong piyesa ng mga sasakyan, lumalabas na isang JJCTD Import and Export Trading Corp. ang consignee ng naturang mamahaling kotseng karaniwang gamit ng mga mayaman.

Ayon sa kawanihan, nasabat ang kontrabando ng pinagsanib na pwersa mula sa BOC-Davao, Philippine Drug Enforcement Agency Region XI (PDEA – XI), Seaport Interdiction Unit, Davao City Police Office (DCPO) batay sa timbre ng Sasa Police Station sa nasabing rehiyon.

Sa bisa ng alert order na nilagdaan ni BOC-Davao District Collector Atty. Erastus Sandino Austria, binuksan ang tinutukoy na kargamento kung saan tumambad ang puting sports car na ikinubli sa likod ng mga deklaradong piyesa ng mga sasakyan.

Matapos mabisto ang smuggled sports car, nirebisa naman ng mga ahente ng PDEA ang kargamento sa posibilidad na makakita ng droga. Ganunpaman, negatibo ang resulta ng paghahalughog sa container kung saan isinakay ang mga surplus automotive part.

Agad naman kinumpiska ang sports car at piyesa ng mga sasakyan, batay na rin sa direktibang kalakip ng warrant of seizure and detention ng BOC-Davao chief.

Sa pagtataya ng ahensya, aabot sa P15.3 milyon ang halaga ng Porsche, habang patuloy ang imbentaryo para sa mga nakumpiskang piyesa ng sasakyan.

Samantala, nahaharap naman sa kasong paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang JJCTD Import and Export Trading Corp.

206

Related posts

Leave a Comment