INIREKLAMO ng cyber libel ng young actress na si Julia Barretto ang dating broadcaster na si Jay Sonza sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ito ay kaugnay sa naging pahayag ni Sonza na umano’y buntis ang aktres at ang ama ay ang boyfriend nitong si Gerald Anderson.
“Marami na akong pinagdaanan, ang dami ko na rin pinalampas lalo na sa social media, binastos na ang reputation ko, ang pangalan ko. I think, I just want to show people na hindi ko na pinapalampas ‘yung mga bagay na ganito,” ayon kay Barretto.
Kasama ni Julia na nagreklamo sa NBI-Cybercrime Division ang kanyang ina na si Marjorie, upang paimbestigahan ang anila’y walang katotohanan at iresponsableng pahayag ni Sonza sa social media account nito.
“I am pursuing this case because the statements made by Mr. Sonza are untrue and irresponsible. The widespread reposting of the news based on his post caused distress to me and my family. I don’t want to take this matter lightly. Mr. Sonza, and all those who publish these reckless and baseless posts, must be held accountable for their actions so that they think twice before claiming things as fact,” dagdag pa ng aktres.
Sinabi pa nito na nais lamang niyang turuan ng leksiyon at ng magandang asal si Sonza.
Magugunitang sa post ni Sonza sa kanyang social media account, sinabi nitong ang aktres ay nagdadalang-tao at ang ama ay si Anderson, na kanyang mga kapitbahay.
“Dito muna tayo sa mga balitang may katotohanan, may pag-iibigan, may pinagsaluhang nakakapanginig ng laman at higit sa lahat, nagbunga.”
“Napatunayan nina Visoy (Visayan tisoy) Gerald Anderson at anak nina Dennis Padilla at Marjorie Barretto na si Julia Barretto na kapwa hindi sila baog.”
“After months of love lockdown and ESQ (exact sex quadrant) – may nabuo sa sinapupunan ni Julia.
Gayunman, muling nag-post noong Miyerkoles si Sonza at binawi ang kanyang pahayag hinggil sa magkasintahan.
” Kung ganoon po, binabawi ko ang aking masayang pagbati. Happy & excited kasi ako kapag may nabibiyayaan ng buhay.”
“Pasensya na kung napaaga ang aking Congratulations,” pagbawi ni Sonza sa kanyang pahayag. (RENE CRISOSTOMO)
406
