KAPANA-PANABIK NA TAON PARA SA MGA ATLETA AT MAMAMAYANG PILIPINO

SA GANANG AKIN

NAPAKALAKI ng ginagampanang papel ng isports sa kultura at pagkakakilanlan ng Pilipinas. Hatid nito ang inspirasyon, pag-asa, at pagkakataon para sa mamamayan lalo na para sa mga kabataan at mga atletang Pilipino. Maraming mga estudyante ang nakapagtatapos ng pag-aaral sa tulong ng mga scholarship grant na ibinibigay sa mga atleta ng mga kolehiyo, unibersidad, at ng pamahalaan.

Sa pamamagitan din ng isports, mas nakikilala ang Pilipinas, hindi lang bilang bansang hitik sa likas na yaman kundi bansang may mahuhusay na atleta. Kitang kita naman ang kahandaan at galing na ipinamamalas ng ating mga atleta sa kasalukuyang ginaganap na 32nd Southeast Asian Games sa Phnom Penh sa Cambodia. Ayon sa datos mula alas-diyes ng gabi noong ika-13 ng Mayo, nasa 178 na medalya na ang iuuwi ng delegasyon ng Pilipinas, 37 dito ay ginto, 64 ay silver, at 77 naman ang bronze.

Isa sa mga atletang nakasungkit ng gintong medalya para sa bansa sa larangan ng women’s soft tennis ay empleyado ng Meralco – si Noelle Zoleta. Dalawang gintong medalya ang kanyang iuuwi matapos maipanalo ang mga kategoryang Women’s Doubles at Women’s Team Event. Bahagi rin siya ng koponang gumawa ng kasaysayan dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nanalo ng gintong medalya ang Pilipinas sa kategoryang Women’s Team Event.

Sa kanyang Facebook post, ibinahagi niya ang kanyang kagalakan na maging bahagi ng delegasyon ng Pilipinas para sa naturang torneyo. Lubos din ang kanyang pasasalamat sa Meralco dahil pinayagan siyang maging bahagi ng delegasyon sa kabila ng matagal-tagal na pagkawala sa trabaho. Aniya, “I’m really grateful and blessed that I belong in a company that supports sports.”

Hindi kataka-takang buo ang suporta ng Meralco kay Zoleta dahil ang kompanya ay bahagi ng MVP Group na pinamumunuan ng negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan (MVP). Mula’t sapul, si MVP ay isa rin sa mga prominenteng personalidad na sumusuporta sa mga atletang Pilipino.

Bukod sa pagiging negosyante at pilantropo, kilala rin si MVP bilang isang sportsman. Sa katunayan, bahagi siya ng organisasyong punong-abala at mangangasiwa sa FIBA Basketball World Cup 2023 na gaganapin sa darating na Agosto.

Talaga namang kapana-panabik ang taon na ito para sa Philippine Sports dahil taong 1978 pa nang huling ginanap ang FIBA World Cup sa Pilipinas, at sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng torneyo, ito ay gaganapin sa tatlong iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas.

Ang tagumpay ng muling pagdaraos ng FIBA World Cup sa bansa ay nakasalalay sa pagkakaisa ng pribadong sektor, pamahalaan, at ng mamamayan dahil pare-pareho tayong nagdadala sa pangalan ng Pilipinas. Ang matagumpay na pangangasiwa sa ganito kalaking torneyo ay tagumpay ng buong bansa.

Hindi talaga maitatanggi kung paano nagkakaisa ang bansa dahil sa isports. Para sa layuning magtagumpay sa ngalan ng Pilipinas, nakabubuhay ng loob makita ang pagtutulungan sa pagitan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at mga miyembro ng pribadong sektor upang masiguro ang kahandaan ng bansa sa mga torneyong sinasalihan at pangangasiwaan nito.

386

Related posts

Leave a Comment