SA GANANG AKIN
NGAYONG tapos na ang pandemya, masigla na muli ang turismo sa ating bansa. Balik na ang sigla ng mga kababayan natin na magbakasyon at mamasyal sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Sa gitna at hilagang Luzon, sikat na pasyalan ang mga beach resort sa Zambales at Pangasinan, ang mga surfing resort sa La Union, mga parke sa Baguio at ang mga makasaysayang tanawin sa Ilocos Sur at Ilocos Norte. Para mabisita ang mga lugar na ito, dumaraan sa North Luzon Expressway ang mga bakasyunista.
Bagama’t malaking hamon na mapanatiling maayos ang kalidad ng imprastraktura’t serbisyo ng nasabing expressway, patuloy ang NLEX Corp. sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyektong naglalayon na maisa-ayos ang kalidad ng daan at ang customer experience ng mga motorista.
Kaya malaking tulong sa NLEX ang panibagong dagdag-singil na pinahintulutan ng Toll Regulatory Board o TRB para maisakatuparan ang mga nakaplanong proyekto nito gaya ng pagsasaayos ng mga daan at pag-modernize ng mga toll collection system nito.
Pinahintulutan ng TRB ang NLEX na magtaas ng singil simula ika-15 ng Hunyo. Sa ilalim ng bagong toll fee matrix, ang mga Class 1 vehicle ay magbabayad ng dagdag na Php7, Php17 sa Class 2 vehicles at Php19 para sa Class 3 vehicles. Ang mga bagong rate ay bahagi ng pinapayagang period adjustments ng NLEX mula 2012, 2014, kalahati ng 2018 at 2020, at ngayong 2023 ang ika-apat at panghuling tranche ng adjustments.
Ayon kay Rogelio L. Singson, Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) President at CEO, makasisiguro ang mga motorista na magkakaroon ng mga pagsasaayos sa imprastraktura at maging sa kalidad ng serbisyo ng NLEX.
Bibigyang prayoridad ng MPTC ang mga proyektong magsasa-ayos sa daloy ng trapiko sa buong expressway. Plano ng NLEX na maglagay at mailunsad ang multi-lane barrier-less system. Inaasahang bibilis ang daloy ng trapiko ng halos 30 porsiyento dahil sa makabagong sistema. Kabilang din sa plano, ang pagpapalapad ng mga entry at exit point na kadalasan ay napupuno rin ng mga sasakyan.
“Admittedly, hindi biglaan ang mga magiging pagbabago sa NLEX matapos itong dagdag-singil. Marami pang dapat ayusin sa mga daan at maging sa aming toll collection system, pero ipinag-utos na din ni Ginoong Manny Pangilinan, ang aming chairman, na gawin na namin kaagad ang lahat ng ito sa lalong madaling panahon,” ani Singson.
Pero mas nakapagtataka na maraming kritiko ang humihingi na ipagpaliban muna ang panibagong dagdag-singil, samantalang ito nama’y nakatakda sa kasunduan ng NLEX at ng gobyerno. Sa ilalim ng kasunduan, pinapayagan ang NLEX na maghain sa TRB ng petisyon para sa dagdag-singil kada dalawang taon.
Sa katunayan, hindi mabigat sa bulsa ang panibagong dagdag-singil sapagkat inutay-utay na rin ng NLEX at TRB ang pangongolekta nito na dapat ay noong 2012 pa.
Malaki ang naitulong ng mga road improvement sa pag-unlad ng mga rehiyon at mga industriya sa gitna at hilagang Luzon mula nang pinangunahan ng MPTC ang pamamahala ng NLEX.
Malaki na ang ipinagbago ng NLEX ngayon. Mas mabilis at komportable na rin bumiyahe patungong hilagang Luzon bunsod ng pagbubukas ng iba’t ibang establisyemento kung saan pwede magpahinga o kumain ang mga motorista.
Kaya naman, makasisiguro ang mga motorista na patuloy na namumuhunan ang MPTC para mapanatili ang kalidad ng mga daan sa NLEX, maibsan ang trapiko at mabawasan ang pagpila, mapabuti ang mga pasilidad at serbisyo nito, at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.
309