PAGPAPALAGANAP NG IMPORMASYON UKOL SA SIM CARD REGISTRATION LAW, KAILANGAN PAIGTINGIN

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

SA tuwing may batas na ipinatutupad, isa sa mahahalagang bagay na dapat masiguro ay ang kaalaman ng mamamayan ukol dito. Dapat masigurong naiintindihan ito ng mga tao at kung ano ang magiging epekto ng hindi pagsunod dito.

Noong ika-27 ng Disyembre ng nakaraang taon, ipinatupad ang SIM card registration law bilang tugon sa naging talamak na panloloko sa pamamagitan ng mga text message. Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga taong mayroong SIM card ay uutusang irehistro ang kanilang numero sa kompanya ng telekomunikasyon na naghahatid ng serbisyo rito. Ang mga bagong SIM card naman na bibilhin pa lamang ay kakailanganing i-rehistro sa kompanya o sa tindahang nagbenta nito. Bahagi ng proseso sa pagrehistro ang pagsumite ng valid ID ng taong bumili ng SIM card.

Bagama’t lumabas na sa mga balita sa online, dyaryo, mga radyo at telebisyon ang ukol sa batas na ito, kailangan pa ring paigtingin ang pagpapalaganap ng mga impormasyon ukol dito na mahalaga sa mamamayan. Dito naman dapat magtulungan ang pamahalaan at ang mga miyembro ng industriya ng telekomunikasyon sa pagpaparating ng impormasyon sa bawat sulok ng bansa.

Hindi pa man ganap na ipinatutupad ang SIM card registration law, nagpahayag na ng buong suporta rito ang PLDT at Smart, dalawa sa mga malalaking pangalan sa industriya ng telekomunikasyon. Mismong si PLDT Chairman Manuel V. Pangilinan (MVP) ang nagsabi na mahalaga para sa mga kompanya ng telco ang pagrerehistro ng mga SIM card. Mas palalakasin aniya ng mga ito ang e-commerce at digital na pagbabayad. Malaking tulong din ito sa mga Pilipino.

Ipinahayag din ng Smart Communications na handa nitong ipagkaloob ang technical na expertise at kaalaman nito ukol sa usapin upang masigurong mananatiling protektado ang mga konsyumer kapag ipinatupad na ang batas. Sa katunayan, isa ang Smart sa mga tumulong sa pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR) ng naturang batas.

Namuhunan naman ng bilyon-bilyon ang PLDT upang paigtingin ang cyber security nito hindi lamang para bigyang proteksyon ang imprastraktura ng kompanya kundi upang bigyang proteksyon din ang mga konsyumer laban sa cyberthreat, phishing, at iba pang uri at pamamaraan ng scamming o panloloko.

Nagsasagawa rin ang PLDT at Smart ng regular na information at education campaign upang turuan ang mga konsyumer kung paano malalaman kung ang mensahe ay totoo o panloloko lamang. Sa ganitong paraan, mababawasan ang bilang ng mga nabibiktima ng mga malisyosong text message.

Tunay na nagiging mas mahusay at mas maganda ang resulta ng isang inisyatiba o proyekto kapag ito ay pinagtulungan ng pamahalaan at ng mga miyembro ng pribadong sektor gaya na lamang nitong SIM card registration law. Wala pa mang isang buwan mula nang isabatas ito, kapansin-pansin na ang pagkaunti ng mga scam at spam text messages na aking natatanggap.

474

Related posts

Leave a Comment