ANIM pang kaso ng COVID-19 ang nadagdag sa Navotas City, kabilang ang isang binawian ng buhay kasabay nang paglabas ng resulta ng swab test ng mga ito, noong Miyerkoles, Setyembre 2.
“Sa ulat po ng ating City Health Office, anim ang nagpositibo ngayong araw at isa sa kanila ay binawian na ng buhay. Samantala, 47 naman ang gumaling at kasama na ng kanilang pamilya,” ani Mayor Toby Tiangco.
Hanggang noong Miyerkoles, alas-6:00 ng gabi, umabot na sa 4,376 ang tinamaan ng COVID-19 sa Navotas.
Gumaling na ang 3,803 sa mga ito at 124 na ang namatay, habang 449 pa ang active cases.
Ayon pa kay Tiangco, nagbunga na ang paghihigpit noong nakaraang mga buwan, at ang pagbaba ng mga kaso sa lungsod ay nagpapakita lamang na tama ang ginawa ng pamahalaang lungosod – ang pagsasagawa ng malawakang testing, maagap na contact tracing, at ang pagiging istrikto sa ‘no home quarantine policy’ maliban kung inirekomenda ng doktor na manatili sa bahay.
“Hindi po tayo titigil sa pagsisikap na mapababa pa ang mga kaso sa ating lungsod. Pero sa sinabi ko na po dati, importante ang kooperasyon ng bawat isa para tuluyang matapos ang hawaan. Pakikiisa ang tatapos sa pandemya,” ani Tiangco.
Samantala, isang COVID-19 patient din ang nalagutan ng hininga noong Miyerkoles sa Barangay Potrero, Malabon City kaya’t umakyat na ang pandemic death toll sa lungsod sa 154.
Ayon sa City Health Department, 89 ang nadagdag na confirmed cases sa lungsod, at 4,037 ang positive cases, 651 dito ang active cases.
Habang sa kabuuan ay 3,232 ang recovered COVID patients sa Malabon. (ALAIN AJERO)
110
