Kasabwat pala ng customer; PUMP ATTENDANT INARESTO SA ‘PANGUNGUPIT’ NG GASOLINA

INARESTO ang isang pump attendant matapos umanong makipagsabwatan sa customer upang makapagpakarga ng gasolina nang hindi nagbabayad sa isang gasolinahan sa Tanza, Cavite, Sabado ng gabi.

Kinilala ang suspek sa alyas na Albert, na nahaharap sa kasong qualified theft.

Batay sa ulat, nagtatrabaho ang suspek sa A’s Fuel sa Barangay Punta 2, Tanza, Cavite, kung saan napansin umano ng may-ari ng gasolinahan ang kahina-hinalang pag-uusap nito at ng isang customer na nagpakarga ng gasolina sa sasakyan.

Matapos makapagpakarga, umalis umano ang customer nang hindi nagbabayad. Dahil dito, sinuri ng may-ari ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera at nakumpirmang walang ibinigay na bayad ang customer.

Nang komprontahin, inamin umano ng suspek na hindi nagbayad ang customer sa P5,000 halaga ng gasolina na ipinakarga nito.

Ayon sa may-ari, nagsimula siyang magmasid matapos mapansin noong nakaraang buwan na hindi nagtutugma ang kanilang naitatalang benta ng gasolina at ang aktwal na kinikita ng negosyo.
Dahil dito, ipinag-utos niya ang pagpapahuli sa suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

172

Related posts

Leave a Comment