NAGPALIWANAG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang naging desisyon na pagkalooban ng absolute pardon si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ang dahilan, ayon sa Pangulo ay hindi kasi binigyan ng patas na pagtrato ng Pilipinas si Pemberton.
Sa kanyang public address, Lunes ng gabi ay sinabi ni Pangulong Duterte na hindi kasalanan ni Pemberton kung hindi nai-record ang kanyang Good Conduct Time Allowance (GCTA).
“It is not the fault of Pemberton na hindi na na-compute because we should allow him, the good character presumption kasi wala namang nag-report na Marines na nagsabi na nagwawala siya,” ayon kay Pangulong Duterte.
“‘Pag walang record di mo malaman kung nabilang ba o hindi. Pag ka ganon hindi kasalanan ni Pemberton. He is not required to keep a record of his own and characterize his behavior while inside the prison,” aniya pa rin.
Kaya ang sabi niya aniya kina Justice Secretary Menardo Guevarra at Executive Secretary Salvador Medialdea ay desisyon niyang pagkalooban ng absolute pardon si Pemberton.
“So sabi ko kay Justice Secretary, Medialdea, pati si Secretary… Correct me if I’m wrong but ito ang tingin ko sa kaso. You have not treated Pemberton fairly. So i-release mo,” ang pahayag ng Pangulo.
“Pardon. Ang pardon walang maka-question niyan. Kaligayahan ko na lang magpakulong ng mga buang, mga gago but it is time that you are called upon to be fair, be fair,” dagdag na pahayag nito.
Nauna nang kinumpirma ni Presidential spokesperson Harry Roque na pinagkalooban ni Pangulong Duterte ng absolute pardon si Pemberton.
Ang ibig sabihin ani Sec. Roque ay makakalaya na si Pemberton.
Si Pemberton ay nahatulang guilty sa kasong homicide dahil sa pagpatay kay Jennifer Laude noong 2014.
“Wala na pong issue kung siya ay entitled sa GCTA, wala nang issue kung applicable pa sa kanya ‘yong batas dahil hindi siya nakulong sa National Penitentiary,” ayon kay Sec. Roque.
“Binura na po ni Presidente kung ano pa ‘yong parusa na dapat ipapataw kay Pemberton,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Kasabay nito, nilinaw ni Sec. Roque na ang Pangulo ay hindi anti-US kundi para sa independent foreign policy.
“Kaibigan ng lahat, walang kalaban,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
179
