LA FESTEJADA, TAMPOK SA IKA-45 GRAND MARIAN PROCESSION SA INTRAMUROS (Mahigit 100 imahen ng Birheng Maria, lalahok sa makasaysayang pagtitipon)

Imahe ng Nuestra Señora de la Inmaculada Concepción

INTRAMUROS, Maynila — Muling magiging sentro ng debosyong Marian sa bansa ang makasaysayang Intramuros sa Disyembre 6, 2026, sa pagdaraos ng ika-45 Grand Marian Procession, na lalahukan ng mahigit 100 imahen ng Mahal na Birheng Maria mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Tampok sa taunang pagtitipon ang opisyal na host image na Nuestra Señora de la Inmaculada Concepción – Mater Purísima, na mas kilala bilang La Festejada. Bilang sentrong imahen at Reyna ng pagdiriwang, pangungunahan nito ang pagtitipon na pinangangasiwaan ng Cofradía de la Inmaculada Concepción at Intramuros Administration.

Nasa loob ng isang protektadong glass case sa Museo de Intramuros sa Arzobispo Street ang natatanging imahen na pag-aari ng pamahalaan at pinangangalagaan ng Intramuros Administration.

Gawa ito sa garing o ivory, gamit ang antigong ulo at mga kamay mula sa naunang imahen. Nagsilbi itong kapalit ng orihinal na imaheng Franciscano na nasira at natupok sa sunog noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong 1980, ipinagawa ang bagong imahen at pormal itong binasbasan sa Simbahan ng San Agustin noong Disyembre 7 ng taon ding iyon. Naging mahalagang bahagi ito ng muling pagbuhay sa tradisyon ng Grand Marian Procession sa Intramuros, na isinasagawa taun-taon tuwing unang Linggo ng Disyembre.

Kabilang sa mga inaabangang kalahok ngayong taon ang limang kilalang imahen ng Birheng Maria mula sa Bicol Region, tatlo sa mga ito ay pinagkalooban ng parangal na Episcopally Crowned.

Kabilang din sa mga kumpirmadong kalahok ang Nuestra Señora la Divina Pastora de Bato mula Camarines Sur, Nuestra Señora de Guadalupe de Mexico (La Madre Peregrina), at Nuestra Señora de la Visitacion de Guibang mula Isabela.

Makikiisa rin ang mga imahen mula sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, kabilang ang Nuestra Señora del Santisimo Rosario de Pasig, Virgen de las Flores de Pasig, La Inmaculada Concepción ng Malabon, Nuestra Señora de las Flores de Bocaue, Nuestra Señora del Santissimo Rosario de Hagonoy, at Nuestra Señora de Candelaria de Silang, Cavite.

Kabilang din sa mga nagkumpirma ng paglahok ang Nuestra Señora del Rosario – La Virgen de Mamatid mula Cabuyao City, Laguna.

Ayon sa mga tagapangalaga ng mga imahen, nakasalalay sa pasiya at pamamahala ng kani-kanilang parokya kung ang orihinal na imaheng debosyonal o ang opisyal na replika nito ang isasama sa prusisyon. Inaasahang ilalabas ng mga organisador ang pinal na pagkakasunod-sunod ng mga karosa bago ang mismong pagdiriwang.

Higit pa sa isang maringal na prusisyon, nagsisilbing buhay na pagpapamalas ng pananampalatayang Katoliko, kasaysayan, sining at kulturang popular ng mga Pilipino ang Grand Marian Procession. Sa bawat imaheng inililibot sa mga makasaysayang lansangan ng Intramuros, muling nabibigyang-buhay ang mga debosyong matagal nang bahagi ng pagkakakilanlan at tradisyon ng iba’t ibang pamayanang Pilipino.

Bahagi rin ng paghahanda ang koordinasyon sa pamamagitan ng Pintakasi PH, na nagsisilbing daluyan ng impormasyon at ugnayan sa Intramuros Administration. Bukod sa mga pangalan ng mga kalahok, dito rin ipinababatid ang itinalagang numero ng bawat karosa at ang puwestong paglalaanan ng mga ito para sa paghahanda at pagbibihis ng mga imahen.

Sa mga itinakdang puwesto isinasagawa ang pag-aayos ng mga dekorasyong bulaklak at pagkakabit ng mga ilaw na pinatatakbo ng maliliit na generator upang maging handa ang bawat karosa bago magsimula ang prusisyon.

Sa muling pagtitipon ng mahigit 100 imahen ng Birheng Maria, inaasahang magiging isa na namang makabuluhang pagkakataon ang Grand Marian Procession upang maipakita ang yaman ng pananampalataya at debosyong Marian na patuloy na namamayani sa iba’t ibang pamayanan sa bansa.

(JUN VILLARICA)

204

Related posts

Leave a Comment