MAKIISA SA 3-DAY RALLY SA LUNETA – PDP

(JOCELYN DOMENDEN)

HINIKAYAT ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ang lahat ng Pilipino at iba’t ibang sektor ng lipunan na makibahagi sa isasagawang “National Rally for Transparency and a Better Democracy” sa Nobyembre 16, 17, at 18 sa Quirino Grandstand sa Maynila at sa EDSA Shrine sa Quezon City.

Ayon kay PDP Deputy Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio, ang naturang pagtitipon ay hindi konektado sa anomang pulitika o personalidad, kundi isang mapayapang pahayag laban sa korupsyon at sa mga gawing sumisira sa tiwala ng mamamayan.

Binigyang-diin ni Topacio na ang pagtataksil sa tiwala ng publiko at ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ay naglalagay sa panganib sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Hinikayat din niya ang mga dadalo na panatilihin ang disiplina at tiyaking mapayapa at hindi marahas ang kanilang paglahok upang manatiling nakasentro ang mensahe ng pagkilos sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan.

Dagdag pa ni Topacio, walang layuning pabagsakin ang pamahalaan ang kanilang kilos-protesta. Giit niya, anumang reporma ay dapat isulong sa loob ng umiiral na konstitusyon.

Kasabay nito, nanawagan siya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na tuparin ang kanilang tungkulin na protektahan ang sambayanan at ang estado laban sa mga posibleng pwersang manamantala sa mapayapang pagtitipon, gayundin ang karapatan ng mga mamamayang lalahok.

“Sa patuloy na pananampalataya sa Panginoon at sa soberanya ng sambayanang Pilipino, nanaig at mananaig ang tinig ng katotohanan,” pahayag ni Topacio.

15K Pulis Ikakalat

Samantala, tiniyak ni PNP Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mapayapa at ligtas na pagdaraos ng tatlong araw na pagtitipon ngayong Nobyembre.

Ayon sa opisyal, nasa 15,000 pulis ang ipakakalat sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila, kabilang ang Quirino Grandstand sa Maynila, EDSA Shrine, at People Power Monument sa Quezon City.

Ipinahayag ni Nartatez na iginagalang ng PNP ang karapatan ng bawat Pilipino na magpahayag ng saloobin at pananampalataya, ngunit mahigpit na babantayan ang mga pangunahing kalsada at institusyon tulad ng Malacañang Palace, Bangko Sentral ng Pilipinas, Senado, Kamara, at Embahada ng Amerika.

Ayon pa kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuaño, ipatutupad ng pulisya ang traffic coordination, crowd management, at police visibility sa mga lugar ng pagtitipon upang matiyak ang kaayusan at seguridad sa buong tatlong araw ng kilos-protesta.

Ang National Rally for Transparency, na pinangungunahan ng Iglesia ni Cristo (INC), ay nakatakdang magsimula sa Nobyembre 16 at magtatapos sa Nobyembre 18. (May dagdag na ulat si TOTO NABAJA)

69

Related posts

Leave a Comment