NAKATAKDANG ilunsad ng homegrown fintech platform na Manny Pay ang ikalawang bersiyon ng kanilang digital financial services sa Disyembre 17, 2026, upang mapalawak at mapabilis ang abot-kayang serbisyong pinansyal para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) at mga ordinaryong Pilipino.
Kasabay nito, pormal nang bumaba bilang chairman ng kumpanya si dating Senador at ngayon ay National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary at Lead Convenor Manny Pacquiao, alinsunod sa mga patakaran ng pamahalaan hinggil sa ethics at conflict of interest.
Ayon sa kumpanya, layunin ng Manny Pay Version 2 na makapaghatid ng mas mabilis, ligtas at pinahusay na serbisyo sa ilalim ng pamamahala ng 7th Pillar Integrated System Corp.
Bilang paghahanda sa upgraded infrastructure, opisyal nang itinigil nitong Martes, Nobyembre 10, ang e-wallet services ng Manny Pay Version 1.
Simula Nobyembre 11, awtomatikong inililipat sa Traxion Pay accounts ang natitirang balanse ng mga gumagamit upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang pondo. Maa-access ang mga ito sa pamamagitan ng pag-download ng Traxion Pay app.
Samantala, magpapatuloy nang walang abala ang Payment Gateway Services ng Manny Pay para sa mga partner merchant at online business owner.
“Manny Pay was built with the vision of making digital financial services more accessible and empowering for every Filipino. By working to upgrade our technological infrastructure, we ensure that digital transactions remain easier, safer, and cheaper for both everyday users and growing businesses,” ayon kay 7th Pillar Integrated System Corp. President and CEO Marc Hussein Bundalian.
Bilang bahagi rin ng pagbabago sa pamunuan, nag-divest o tuluyan nang binitiwan ni Pacquiao ang lahat ng kanyang shares at financial stake sa Manny Pay upang maiwasan ang posibleng conflict of interest kaugnay ng kanyang posisyon sa NAPC.
98 