ISA sa mga naging highlight ng huling State of the City Address (SOCA) ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Lunes, Oktubre 13, 2025, sa Tanghalang Pasigueño, ay ang matapang niyang pahayag laban sa katiwalian at korapsyon sa lungsod.
Bago ito, muling ipinagmalaki ni Sotto ang mga repormang naisakatuparan ng kanyang administrasyon sa loob ng anim na taon, kabilang ang mga pagbabago sa scholarship program, sports development para sa kabataan, at iba’t ibang proyekto sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Ayon sa alkalde, hindi naging madali ang laban kontra katiwalian ngunit nagtagumpay umano ito dahil sa tiwala at suporta ng mga mamamayan.
Gayunman, kapansin-pansin sa kanyang talumpati ang muling pagpaparinig sa mag-asawang Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah “Sarah” Discaya, na dati na niyang binatikos. Bagama’t hindi tuwirang pinangalanan, binigyang-diin ni Sotto na itutuloy ng lokal na pamahalaan ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mag-asawa, partikular sa umano’y hindi tamang pagbabayad ng buwis sa lungsod.
“Pag nakolekta po natin ‘yong mga utang sa atin, ‘yong mga ninakaw sa atin… ‘yong kasunod na building sa city hall compound, dun po manggagaling. Dun pa lang sa uncollected taxes, pag nakolekta natin, ‘yon na ang gagamitin natin,” pahayag ng alkalde na sinabayan ng palakpakan mula sa mga dumalo.
Bukod sa mga Discaya, binanatan din ni Sotto ang ilang punong barangay na umano’y sangkot sa katiwalian at hindi kaalyado ng kanyang administrasyon. Matatandaang hindi lahat ng 30 barangay chairman sa Pasig ay kakampi ni Sotto, dahil ilan sa mga ito ay nananatiling kaalyado ng pamilya Eusebio — ang dati niyang kalaban sa politika.
Ayon sa isang barangay captain na tumangging magpapangalan, “In fairness kay Mayor Vico, hindi naman talaga siya nakikialam sa barangay politics, hindi tulad noong panahon ni Eusebio na may bata-bata system.”
Samantala, isang lokal na political analyst naman ang nagsabing nagkatotoo ang usap-usapan na “dudurugin” ni Sotto ang mga kapitan na sangkot sa katiwalian. Nitong nakaraang buwan, binatikos din ni Vice Mayor Dodot Jaworski ang ilang barangay chairman na hindi umano nagpapatupad ng mga ordinansang ipinasa ng city council.
Babala ni Jaworski, hindi mag-aatubiling kasuhan ng city government ang sinumang opisyal ng barangay na tatangging ipatupad ang mga lokal na batas at patakaran.
(NEP CASTILLO)
94
