(NI ABBY MENDOZA)
KINUMPIRMA ng Department of Agriculture(DA) na positibo na rin sa African Swine Fever(ASF) ang Tatalon sa Quezon City.
Ayon kay William Dar, ang illegal na transportasyon pa rin ng mga baboy ang sanhi ng pagkalat ng sakit gaya ng nangyari sa Pangasinan kung saan illegal na dinala ang baboy sa lugar mula sa Bulacan na apektado ng ASF.
Kasabay ng pagkalat ng virus sa isa pang lugar sa Quezon City ay mas pinaigting ng ahensya, katuwang ang lokal na pamahalaan ang checkpoint operations nito.
Una nang isinailalim sa quarantine ang barangay Payatas at Bagong Silang sa Quezon City dahil sa kaso ng ASF.
Aminado si Dar na mabilis na kakalat ang ASF kung patuloy ang illegal na transportasyon ng baboy kaya ang apela nito sa mga hog raisers na maging responsable at huwag dalhin ang mga baboy mula sa lugar na apektado ng ASF dahil maaaring carrier na ng virus.
“Sana po makipagtulungan ang lahat para masawat na itong ASF, hindi po ito kakalat kung macocontain agad sa mga lugar na apektado,” pahayag ni Dar.
Aabot na sa may 20,000 baboy ang napatay dahil sa ASF at P60M ang pondong ipinalabas ng DA bilang tulong sa mga apektadong hog raisers.
148