1 PANG COVID DEATH NAITALA SA NAVOTAS *Liquor ban binawi ng city gov’t

ISA pang COVID-19 patient sa Navotas City ang binawian ng buhay noong Enero 31, ang ika-174 casualty ng pandemya sa lungsod.

Kaugnay nito, umakyat na sa 5,613 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod. Mula sa nasabing bilang ay 5,385 na ang gumaling at 54 ang active cases.

Ayon naman sa Malabon City Health Department, lima ang nadagdag na confirmed cases sa parehong petsa at 6,289 ang positive cases sa lungsod, 82 dito ang active cases.

Sa kabilang dako, isa namang pasyente mula sa Barangay Flores ang gumaling. Sa kabuuan ay 5,965 na ang recovered patients ng siyudad.

Nito namang Enero 30 ay bumaba sa 131 ang active cases sa Valenzuela City.

Umakyat na sa 9,210 ang positive cases sa lungsod, habang 8,815 ang gumaling at 264 ang namatay.

Samantala, tuloy ang naumsyameng ligaya ng mga tomador sa Navotas dahil binawi na ng pamahalaang lungsod ang ipinatupad nitong liquor ban upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 noong Kapaskuhan.

Sa bisa ng City Ordinance No. 2021-07, pinawalang-bisa na ang pagbabawal sa pagbili o pagbenta ng alak o inuming nakalalasing sa lungsod simula Pebrero 1, 2021.

“Ito po ay ayon sa ating napag-usapan na tatanggalin natin ang liquor ban kapag ‘manageable’ o hindi masyadong tataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod pagkatapos ng Kapaskuhan. Bagaman tumaas po nang bahagya ang ating mga kaso, kaya pa rin po natin itong makontrol,” ani Mayor Toby Tiangco.

Bawal pa rin ang pag-inom ng anumang nakalalasing sa pampublikong lugar tulad ng mga daan, eskinita, liwasan at labas ng tindahan na sumasakop sa pampublikong daan o bangketa alinsunod sa Municipal Ordinance 2002-06. (ALAIN AJERO)

48

Related posts

Leave a Comment