11K GRADUATES SA LAS PINAS, TATANGGAP NG CASH AID

MAKATATANGGAP ng cash assistance ang 11,000 na graduate students mula sa mga pampublikong paaralan sa Las Pinas City.

Ito ay matapos na magdonate ngayong araw, May 15, 2020, ng halagang P11-million si dating Las Piñas City Mayor Vergel “Nene” Aguilar para sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga nakapagtapos ng kanilang pag-aaral ngayong School Year 2019-2020.

“Walang pinakamagandang regalo sa ating kabataan kundi edukasyon. Gusto ko lang makatulong sa mamamayan ng Las Pinas,” pahayag ni dating Mayor Nene Aguilar.

Ayon sa Las Piñas City Government, kabilang sa mapagkakalooban ng cash aid ang mga graduate students mula sa Elementary, Senior High School at Dr. Filemon C. Aguilar Memorial College (DFCAM) sa lungsod.

“Ang financial aid ay para makatulong sa mga graduating student at kanilang magulang na apektado ng krisis,” pahayag ng dating alkalde.

Batay sa datos ng lokal na pamahalaan, umabot sa 8,401 ang nagtapos sa elementarya, 2,173 sa senior high school at 284 graduates naman sa DFCAM.

Nabatid na tatanggap ng tig-P1,000 cash ang mga nagtapos sa elementarya, senior high school at DFCAM.

Ang pamamahagi at pagbuo ng mga panuntunan para sa pamamahagi ng tulong pinansyal ay direktang pangangasiwaan ng mga pamunuan ng mga pampublikong paaralan.  JHAY JALBUNA

 

80

Related posts

Leave a Comment