12M TINAMAAN NG COVID-19

HALOS 12 milyon na ang naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong mundo.

Base sa pinakahuling datos, pumalo na sa 11,941,783 ang global cases ng COVID-19.

Kasunod ito ng mahigit 200,000 na bagong kasong naitala sa magdamag.

Amerika pa rin ang may pinakamaraming bilang ng kaso na sumampa na sa mahigit 3,097,000.

Sa magdamag ay mahigit 55,000 ang naitalang bagong kaso sa US habang sa Brazil ay nakapagtala ng mahigit 48,000. Ang India na pumapangatlo sa may pinakamaraming kaso sa mundo ay nakapagtala naman ng mahigit 23,000 bagong kaso.

120 BAGONG KASO SA TAGUIG

NAGTALA ng 120 panibagong kaso ng COVID-19 sa Taguig City.

Hanggang noong Martes ng gabi (July 7), may kabuuang 1,347 na ang confirmed COVID-19 cases sa lungsod.

Naitala ang mga bagong kaso sa mga barangay Bambang, Calzada, Central Signal, Fort Bonifacio, Hagonoy, Lower Bicutan, Pinagsama, San Miguel, South Signal, Sta Ana, Tanyag, Wawa at Western Bicutan.

Mayorya ng bagong kasong naitala ay sa Barangay Fort Bonifacio na umanot sa bilang na 104 kaya mayroon nang 378 na kaso sa naturang barangay. (DAVE MEDINA)

MMDA OFFICES SARADO HANGGANG LINGGO

SUSPENDIDO ang operasyon ng tanggapan ng Metro Manila Development Development Authority (MMDA) sa Guadalupe, Makati dahil sa isasagawang disinfection at sanitation protocol sa mga silid nito.

Ito ay matapos na apat na empleyado ng MMDA ang nagpositibo sa COVID-19 sa ginawang mass rapid test at confirmatory swab test.

Ayon kay MMDA Chairman Danny Lim, nagdesisyon silang suspindehin ang operasyon ng lahat ng unit ng ahensya para maprotektahan ang kanilang mga personnel at higit sa lahat ang publikong araw-araw ay may transaksyon sa MMDA.

Sinabi pa ni Lim na walang empleyadong papayagang pumasok sa naturang gusali habang patuloy ang disinfection at sanitation proceeding.

Alas dos ng hapon ng Miyerkoles ay pinauwi ang mga empleyado ng MMDA sa pagsisimula ng disinfection at sanitation work sa lahat ng tanggapan na tatagal hanggang July 12.

Tiniyak ni Lim na ibabalik ang kanilang operasyon sa Lunes. (DAVE MEDINA)

1 PATAY, 16 KASO NADAGDAG SA NAVOTAS

NAKAPAGTALA na naman ng isang patay sa COVID-19 sa Navotas City sa ikatlong sunod na araw.

Bukod dito, 16 ang nadagdag sa nagpositibo sa nasabing sakit noong Martes, Hulyo 7, ayon kay Mayor Toby Tiangco.

Samantala, isa naman ang gumaling at nakauwi sa kanyang tahanan.

Noong Hulyo 5 ay may isang nasawi at 38 ang nagpositibo, habang may namatay ding isa noong Hulyo 6 at 18 ang kumpirmadong nagkasakit.

“Hindi natin maiiwasang malungkot, mangamba o magalit kapag nababasa natin ang update ng ating lungsod tungkol sa mga kaso ng COVID-19. Natural lamang ang ganitong pakiramdam pero nawa’y sa pamamagitan nito, mas sikapin nating mapangalagaan ang ating sarili at mga mahal sa buhay,” anang alkalde.

“Matagal pa ang labanang ito at malaki ang posibilidad na dadami pa ang mga magpopositibo. Sa halip na mawalan ng loob, tatagan natin ang ating sarili at gawin ang lahat ng makakaya para manatiling ligtas sa sakit,” patuloy ng alkalde. (ALAIN AJERO)

83

Related posts

Leave a Comment