(NI ROSE PULGAR)
ISINAILALIM ngayon sa state of calamity ang 15 barangay dahil sa dengue outbreak sa lungsod ng Paranaque.
Ayon kay Paranaque City Administrator Fernando ‘Ding’ Soriano, sa 16 na barangay ay isa lamang ang hindi naapektuhan at ito ay ang Barangay Martin de Porres sa nasabing lungsod.
Sinabi ni Soriano, nasa 4 katao na ang nasasawi mula Enero hanggang Setyembre 21, ayon sa health division ng lungsod.
Aniya, ang deklarasyon ay aprubado ng isang resolution ng City Risk Reduction and Management Council dahil sa nakaaalarma na ito at 15 barangay ng lungsod na ang apektado ng dengue dito.
“Very alarming na ito at kinakailangan nang mag state of calamity na ang lungsod at out of 16 barangays ay isa lang ang hindi naapektuhan ng dengue,” ani ni Soriano.
Nito lamang Setyembre 21 ang huling nasawi sa sakit na dengue ngunit hindi na binanggit kung saan barangay ito.
Idinagdag pa ni Soriano, mahigpit nilang minomonitor ang 15 barangay na apektado nang dengue.
217