MULING nagkabigkis ang grupong sumuporta sa dating bise presidente Leni Robredo upang maglunsad ng isang bagong kilusan na naglalayong makopo ang substansyal na bilang upang mailuklok muli sa Senado ang dating senador na sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan sa 2025 midterm elections.
Sa kalatas ng grupong iMk Leni, ipinahayag nito ang kanilang intensyon na makipag-ugnayan sa iba pang “pink groups” at paghikayat sa may 15 milyong Pilipino na sumuporta kay Robredo noong 2022 presidential elections upang matiyak ang tagumpay nina Aquino at Pangilinan.
“Nakakalungkot na patuloy namamayani sa Senado ang mga mambabatas na sikat na artista at komentarista na pawang salat sa kaalamang panlipunan, mapanlinlang na grupo, nahatulan ng pandarambong sa kaban ng gobyerno, politiko na ‘matamis ang pananalita’ ngunit walang naitugon sa pangako at yaong hindi nagsisisi sa paghihinalang sangkot sa pamamaslang (EJK killing).
“Huwag natin hayaan malugmok sa lusak ang lehislatura kaya mahigpit na muling magsama-sama tayo na ihahatid sina Kiko at Bam sa tagumpay itong 2025,” pahayag ng IMKLeni.
“Muling ipakita natin ang ating talento at sigla sa paghikayat sa ating mga kababayan. Mayroon tayong lakas ng 15 milyong Pilipino para manalo sina Bam at Kiko. Hindi tayo susuko sa ating pangarap para sa magandang bukas,” dagdag pa ng grupo.
Ang pahayag ng iMk Leni ay nilagdaan ni Elmer Argaño, Secretary General, kasama ang mga coordinator na sina Ricky Mallari (Luzon), Nick Malazarte (Visayas), Fave Sevillano (Mindanao), Rogel Garcia (NCR), Amerah Bansao (BARMM), Teddy Brul (Media) at JC Luna (Media Coordinator).
Si Bam Aquino ay kilalang tagapagtaguyod ng mga polisiya na nagpapalakas sa kakayahan at karapatan ng mga kabataan at mahihirap. Hindi rin matatawaran ang serbisyo ni Kiko Pangilinan sa mga sektor ng agrikultura at edukasyon. Sina Bam at Kiko ay parehong nagpatunay ng kanilang malasakit sa bayan at sa mamamayan.
65