2 ‘HOLDAPER’ TIKLO SA BARIL

BAGSAK sa selda ng Manila Police District ang dalawang sakay ng motorsiklo na hinihinalang mga holdaper makaraang makumpiskahan ng baril sa Sta. Cruz, Manila noong Miyerkoles ng tanghali.

Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (illegal possession of firearm and ammunitions), Article 151 ng RPC (disobedience to a person in authority) RA 10054 (Motorcycle Helmet Act) at RA 4136 (driving without license and OR/CR) ang mga suspek na sina John Carlo San Juan, 21, binata, tambay, ng #1620 Sulu St., Sta. Cruz, Manila, at Janlloyd Loyola,18, binata, tambay, kaanib ng Commando Gang at residente sa #2011 Oroquieta St., Sta. Cruz, Manila.

Batay sa ulat nila P/Cpl. Jeffrey Castillo at Patrolman Ruzzel Manuel ng MPD-Blumentritt Police Community Precinct, sakop ng Station 3, bandang alas-11:30 ng tanghali nang maispatan ang dalawang mag-kaangkas sa motorsiklo sa panulukan ng Rizal Avenue at Herrera St., sa Sta. Cruz habang kapwa walang suot na helmet at kahinahinala ang kilos

Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Nick Patrick Galiza na isinumite kay P/Lt. Col. John Guiagui, station commander ng MPD-PS3, habang nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga tauhan ni P/Insp. Ferdinand Cayabyab, block commander, sa nasabing lugar, sinita nila ang mga suspek dahil walang suot na helmet habang lulan ng motorsiklo.

Ngunit nagtangka ang mga suspek na takasan ang mga awtoridad gayunman ay nawalan ng balanse kaya natumba ang kanilang motorsiklo.

Nang hiniling ng mga pulis na ilabas ang dokumento ng motorsiklo at driver’s license ay walang naipakita ang mga suspek hanggang sa mapansin ng mga awtoridad ang nakasukbit na baril sa baywang ng mga ito. (RENE CRISOSTOMO)

50

Related posts

Leave a Comment