2 PUGANTENG DAYUHAN TIMBOG SA NAIA

INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang puganteng dayuhan bago makasakay sa kanilang flight palabas ng bansa.

Kinilala ang mga suspek na sina Zhao Yaxin, 33, Chinese national, at Badr Ettachi, 32, Moroccan national, kapwa na-intercept ng BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU) sa magkahiwalay na insidente sa NAIA.
Ayon sa report, si Zhao ay naaresto sa NAIA Terminal 3 noong Enero 27 bago siya makapag-board sa kanyang out-bound flight papuntang Guangzhou, China, habang si Ettachi ay nahuli kinabukasan bago makasakay sa kanyang flight patungong Singapore.

Napag-alaman na si Zhao ay wanted dahil sa pagkakasangkot sa economic crimes sa China, habang si Ettachi ay pinaghahanap ng mga awtoridad sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa kasong may kaugnayan sa paglustay ng 60,000 US dollar na ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang kaibigan.

Ang dalawa ay isasailalim sa deportation proceedings bago ipatapon palabas ng bansa at hindi na muling papayagang makapasok sa Pilipinas dahil sa pagiging undesirable aliens.

(FROILAN MORALLOS)

 

91

Related posts

Leave a Comment