NABINGWIT ng mga operatiba ng Special Operation Unit (SOU) ng National Capital Region at ng Philippine Drug Enforcement Agency, ang isang 37-anyos na hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kasama ang umano’y kasabwat nito, sa ikinasang buy-bust operation sa isang condominium unit sa Brgy. 676, Ermita, Manila noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang target sa operasyon na si alyas “Jeprasum”, 37, tubong Zamboanga Del Sur, at umano’y kasabwat nito na si alyas “Rodel”, ng Molino, Bacoor, Cavite.
Ayon sa ulat ni Police Major Brent Salazar, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa pangunguna ni Police Lieutenant Rommel Lingad, bandang alas-7:45 ng gabi sa 35th floor ng isang condominium sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa mga susek ang 10 kilo ng umano’y shabu na tinatayang P74,800,000 ang halaga.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)
54