200 BARKO NG CHINA NAGLIPANA SA WPS

KINUMPIRMA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes, Setyembre 3, na naglipana ang kabuuang 203 barko ng China sa West Philippine Sea (WPS) nitong nakalipas na linggo.

Bagama’t hindi nagpahayag ng kanilang pagkabahala ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, ito umano ang pinakamataas na bilang ng mga barko ng China na naitala ngayong taon.

Samantala, mas pinaigting pa ang air at naval patrols sa Escoda Shoal bilang suporta sa Philippine Coast Guard (PCG) vessel na BRP Teresa Magbanua na paulit-ulit na binangga ng mga China Coast Guard vessel noong Sabado, ilang araw lamang matapos ang mga katulad na insidente na kinasasangkutan din ng mga Chinese.

Ginawa ng tagapagsalita ng Philippine Navy for the West Philippine Sea na si Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang pahayag sa gitna ng paglobo ng bilang ng mga barko ng China sa lugar na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

“This is the highest we have recorded in the vicinity of our 9 occupied features in WPS for this year. While it is not normal, it is within the range of the capability they could project in the SCS/WPS.”

“We can attribute the surge to the attention given to Sabina/Escoda Shoal in the last few weeks. Nevertheless, the increase in numbers will not justify their illegal presence, their coercive and aggressive actions and their deceptive narratives. The PN – and the AFP – will continue to perform its mandate to protect our territory as we uphold international law and contribute to regional peace and stability,” ani Radm Trinidad.

Subalit nilinaw ng PH Navy official na ang pinaigting na pagpapatrolya ay hindi nangangahulugang ng pagde-deploy ng mas maraming asset sa lugar.

Mula Agosto 27 hanggang Setyembre, kabuuang 165 Chinese maritime militia (CMM) vessels, 24 China Coast Guard (CCG) vessels, 12 People’s Liberation Army Navy (PLAN) ships, at dalawang research vessels ang namataan sa lugar.

Nakitaan din ng mga barko ng China ang ilang WPS features particular sa: Bajo de Masinloc – anim na CCGs, isang PLAN, walong CMMs, isang research vessel; Ayungin Shoal – walong CCGs, isang PLAN, 17 CMMs; Pagasa Islands – isang CCG, isang PLAN, 50 CMMs; Kota Island – isang CMM; Rizal Reef – isang research vessel; Escoda Shoal – siyam na CCGs, siyam na PLANs, 53 CMMs; at Iroquois Reef – 36 CMMs.

Karamihan sa mga barko ng China ay namataan sa Escoda Shoal.

Noong Sabado, iniulat ng pamahalaan na sadyang binangga ng barko ng CCG ang BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard sa Escoda Shoal.

Noong Agosto 26 naman, hinarang ng mga barko ng CCG ang dalawang barko ng PCG na nasa rotation at reprovisioning mission sa BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.

At isang araw bago ito, binangga rin ng CCG at ginamitan pa ng water cannon, ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources malapit sa Escoda Shoal. (JESSE KABEL RUIZ)

29

Related posts

Leave a Comment