UMABOT sa 205 katao ang naaresto ng mga awtoridad sa pinaigting na isang linggong anti-illegal drugs at anti-criminality operations sa Quezon City mula Setyembre 15 hanggang 21.
Nabatid sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) chief, Brig. Gen. Redrico Maranan, kabilang sa mga nadakip ang 18 drug users at 30 drug pushers na nakumpiskahan ng kabuuang P1.9 milyong halaga ng ilegal na droga sa 32 operasyon.
Ayon sa pulisya, sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Kaugnay nito, na-round up din ng QCPD ang kabuuang 86 wanted persons sa lungsod — 31 sa kanila ay nakalista bilang top most wanted persons, at 55 ang na-tag bilang iba pang wanted persons.
Samantala, may kabuuang 71 mga suspek sa ilegal na sugal ang nahuli sa 27 operasyon na nagbunga ng nakumpiskang P10,459 halaga ng bet money.
“Ang tagumpay natin sa ating kampanya laban sa kriminalidad ay maituturing ding tagumpay para sa taumbayan. Patuloy tayong magpapatupad ng Enhanced Police Presence, at tatlong minutong pagtugon para sa ligtas na Quezon City,” ani Maranan.
(PAOLO SANTOS)
276