23 PRIVATE ARMIES LALANSAGIN BAGO MIDTERM POLLS

TARGET ng pamahalaan na lansagin ang 23 privates armies bago sumapit ang May 2025 midterm election, ayon kay Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., sa isang pulong balitaan kahapon.

Ayon kay Sec. Galvez, mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nag-atas sa Armed Forces of the Philippines at maging sa Philippine National Police na buwagin ang matutukoy na private armed groups na karamihan umano ay nasa area ng Mindanao at ilang bahagi ng Hilagang Luzon.

Sa ginanap na “Kapihan sa Manila Bay”, inihayag ni Sec. Galvez, personal na kinakausap ni Pangulong Marcos ang militar at pulisya simula pa noong nakaraang taon para siguraduhin na mararanasan ng Pilipinas ang isang “very peaceful and honest elections” sa Mayo 2025.

Muli umanong nagbaba ng kautusan si Pangulong Marcos hinggil sa pagbuwag sa PAGs matapos ang madugong paglikida kay Negros Oriental Governor Roel Ragay Degamo sa loob mismo ng kanyang compound sa Pamplona noong taong 2023.

Alam naman umano ng nakararaming Pilipino na ang eleksyon sa Pilipinas ay laging nababahiran ng karahasan; lalo na sa mga kanayunan dahil may ilang kandidato ang gumagamit ng private armies para maneyutralisa ang kanilang mga katunggali o takutin ang mga botante.

Nabatid pa na noong nakalipas na taon ay umabot sa mahigit 40 kaso o election related incidents, ang naitala nito lamang nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Umabot na rin sa 16 private armies ang nabuwag ng mga awtoridad at nabawi ang 100 firearms sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Tiniyak ni Sec. Galvez, na lalaki pa ang nasabing bilang sa darating na mga buwan dahil sa pagsisikap ng pamahalaan.

Kaugnay nito, pinagtutulungan ng Interior and Local Government at ng Defense department sa pangunguna ng Commission on Elections, na makabuo ng mga peace covenant na lalagdaan ng mga kandidato bago sumapit ang 2025 midterm elections. (JESSE KABEL RUIZ)

29

Related posts

Leave a Comment