(NI KEVIN COLLANTES)
KINUMPIRMA, Huwebes ng umaga, ni Jimmy Isidro, information officer ng Mandaluyong City, na pinag-aaralan na ngayon ng city government ang pagdedeklara ng state of calamity sa lungsod.
Ito’y kasunod na rin nang dinaranas na water shortage ng Mandaluyong City na labis na nakakaapekto sa kanilang mga residente.
Aniya, hinihintay na lamang nila sa ngayon ang rekomendasyon ng mga barangay officials para sa deklarasyon ng state of calamity.
Sa sandaling magsumite na ng rekomendasyon ang mga barangay officials ng resolusyon na nagrerekomenda ng deklarasyon ng state of calamity, ipadadala naman ito ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos sa City Council para maaprubahan.
Ayon kay Isidro, posibleng ngayong araw (Biyernes) o sa Lunes ay makapagdeklara na sila ng state of calamity.
“By tomorrow or Monday, baka mag-declare na kami ng state of calamity,” ani Isidro, sa panayam sa radyo.
Kinumpirma rin ni Isidro na sa ginanap na pulong nitong Huwebes ay may 12 barangay officials na ang nagpahayag ng intensiyon na magrekomenda ng deklarasyon ng state of calamity.
Sa ilalim ng state of calamity, pinapayagan ang lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang emergency funds upang makabili ng mga gamit na kakailanganin nila upang masolusyunan ang dinaranas nila ngayong kakulangan sa suplay ng tubig.
Ani Isidro, malaki ang maitutulong ng deklarasyon ng state of calamity sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.
Sa ngayon kasi aniya ay hindi sila maaaring basta na lamang bumili ng mga truck o tanker, na maaaring magdeliber ng tubig sa kanilang mga residente, dahil na rin sa umiiral na election ban, bunsod nang nalalapit na May 13 National and Local Elections.
“Ngayon kung mayroong state of calamity, ma-e-exempt kami sa pagbili ng mga basic needs in terms of water crisis,” ani Isidro.
Habang wala pa naman ang state of calamity, ipinag-utos na aniya ni Abalos ang pag-activate sa mga deep well at pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng mga carwash at laundry business sa lungsod upang makatipid ng tubig.
Nauna rito, nagpatupad ng service interruptions ang Manila Water sa east zone ng Metro Manila, na isa sa concession area nito, bunsod umano ng pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam.
Ayon kay Isidro, apektado na ng water shortage ang lahat ng 27 barangay ng kanilang lungsod dahil na rin sa bagong iskedyul sa pagrarasyon ng tubig ng Manila Water, na mula 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng umaga at 6:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon lamang.
283