NADAKIP ng mga awtoridad ang tatlong kalalakihan, kabilang ang isang armado ng .38 kalibreng baril, habang nagsusugal ng cara y cruz, sa Malate, Manila noong Sabado ng gabi.
Masusing sinisiyasat ng mga operatiba ng Manila Police District – Malate Police Station 9, kung may record ang mga suspek, kabilang ang isang kinilalang si alyas “Allan”, 43-anyos, jobless, miyembro ng Sputnik Gang at residente ng Pasay City, nakumpiskahan ng .38 kalibreng baril.
Si Allan ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), bukod sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Gambling).
Habang ang dalawa pang suspek na sina alyas “Rommel”, 22, at “Rodel”, ay nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602.
Ayon kay Police Staff Sergeant Jurist Angeles, bandang alas-7:10 ng gabi habang nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Adriatico Police Community Precinct, sakop ng MPD – Malate Police Station 9, nang mamataan ang nag-uumpukang mga lalaki habang nagsusugal ng cara y cruz.
Bunsod nito, inaresto ang mga ito ng mga awtoridad kabilang si Allan na nakumpiskahan ng isang baril. (RENE CRISOSTOMO)
53