3 PATAY SA RAMMING INCIDENT SA BAJO DE MASINLOC

SINIGURO ng pamahalaan ang hustisya sa tatlong mangingisda na namatay matapos banggain ng commercial vessel ang kanilang fishing boat sa karagatang sakop ng bayan ng Infanta, Pangasinan.

Pawang mula sa Zambales ang mga nasawi na sina Boat Captain Dexter Laudensia, 47; Romeo Mejico, 38, at Benedict Uladanorio, 62.

Nakaligtas naman sina Johnny Manlolo, Estelito Sumayang, Mario An, Mandy An, Michael An, Gino Arpon, John Michael Nogas, Noriel Tolores, William Asontista, Darwin Mejia at Reymark Bautista, pawang crew ng fishing boat.

Iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang insidente na nangyari, ilang kilometro mula sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc noong Lunes ng madaling araw.

Kinukumpirma pa ng PCG kung anong uri ng sea vessel ang sangkot sa insidente subalit naniniwala silang isa itong foreign boat.

Ayon sa salaysay ng mga nakaligtas, bandang alas-4:20 ng madaling araw sinalpok ang kanilang mother boat na FFB Dearyn ng hindi natukoy na sea vessel.

Ikinalungkot naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang insidente.

“We are deeply saddened by the deaths of the three fishermen, including the captain of the fishing vessel. The incident is still under investigation to ascertain the details and circumstances surrounding the collision between the fishing boat and a still unidentified commercial vessel,” ayon sa Pangulo.

“Let us allow the PCG to do its job and investigate, and let us refrain from engaging in speculation in the meantime,” dagdag na pahayag nito.

Habang ang Senado at Kamara ay nagpahayag ng pagkondena sa sinapit ng mga mangingisda.

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na bagama’t hindi pa kumpleto ang mga detalye ng insidente, ang malinaw ay isa itong pangyayari na binalewala ang buhay ng mga mangingisdang naghahanap lamang ng ikabubuhay sa sarili nating karagatan.

Nagpahayag na rin ng pakikidalamhati si Senador Francis Tolentino sa pamilya ng mga biktima kasabay ng paggiit na dapat managot ang mga may sala sa ilalim ng umiiral na batas.

Kaugnay nito, hiniling ni House Deputy Minority leader, Rep. Bernadette Herrera sa Department of National Defense (DND) na ikonsidera ang pagpapadala ng Philippine Navy ship sa Bajo de Masinloc upang tulungan ang PCG na alamin ang pagkakakilanlan ng foreign vessel na nanagasa sa mga mangingisdang Pinoy.

Kamakailan ay nilagyan ng China ng floating barrier ang Bajo de Masinloc upang hindi makapasok ang mga mangingisdang Pinoy subalit agad din itong tinanggal ng PCG.

(NILOU DEL CARMEN/JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

81

Related posts

Leave a Comment