3 PRIME SUSPECTS SA JUMALON ROBBERY-SLAY CASE KINASUHAN NA

HABANG tinatapos ang isinasagawang case build-up ng binuong Johnny Walker Special Investigating Task Group na siyang tumututok sa pagsisiyasat sa pinaslang na radio broadcaster sa Misamis Occidental na si Juan Jumalon alyas “Johnny Walker”, ay kinasuhan na ang tatlong hinihinalang pangunahing mga suspek sa krimen.

Sa huling updates sa kaso ni Jumalon, sinampahan ng patong-patong na kaso ng Philippine National Police (PNP), sa piskalya ang tatlong hindi na muna pinangalanang indibidwal na hinihinalang may kaugnayan sa brutal na pagpaslang at pagnanakaw sa radio broadcaster ng 94.7 Calamba Gold FM noong nakaraang Linggo.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na isinasagawang case build-up ng PNP hinggil sa mga suspek na nasa likod ng pagpaslang at pagnanakaw sa radio announcer.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, Police Col. Jean Fajardo, nai-refer na ng pulisya sa Provincial Prosecutor’s Office ng Misamis Occidental ang naturang kaso noong Nobyembre 8, 2023.

Paliwanag ng mga awtoridad, ang paghahain ng kaso ay upang mapasailalim sa kaukulang evaluation ng assisting prosecutor ang naturang kaso sa ilalim pa ng case build-up mechanism ng Department of Justice alinsunod sa DOJ Department Circular No. 20 laban sa naturang mga suspek na kinabibilangan ng dalawang “John Does”.

Hindi muna tinukoy ng PNP ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa krimen habang nagpapatuloy ang isinasagawang case build-up at imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pananagutan ng mga ito sa pagbaril at pagpatay kay Jumalon sa loob mismo ng radio booth nito habang naka-ere.

Ayon kay P/Col. Fajardo, kasong murder at theft ang isinampa sa Provincial Prosecutor’s Office sa Misamis Occidental laban sa tatlo katao.

(JESSE KABEL RUIZ)

30

Related posts

Leave a Comment