300 BUS IKAKALAT SA EDSA SA SEMANA SANTA

edsabus12

(NI KEVIN COLLANTES)

UMAABOT na sa 300 mga bus ang pinayagan ng Department of Transportation (DOTr) na bumiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue, upang umasiste sa mga pasaherong apektado ng isang linggong tigil-pasada ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ayon sa DOTr, may 160 buses pa silang binigyan ng special permit upang makapagsakay ng mga commuters ng MRT-3. Karagdagan ito sa 140 buses na una nilang pinabiyahe nitong Lunes Santo, upang mabawasan ang impact sa mga pasahero ng suspensiyon ng biyahe ng naturang mass rail transit.

Matatandaang nitong Lunes Santo ay napuna ng DOTr na hindi sapat ang 140 bus na una nilang pinabiyahe, na nagresulta sa pagkaka-istranded ng mga pasahero, kaya’t nagpasyang magdagdag pa ng mga bus.

Sinabi ng DOTr na ang mga naturang bus ay magsasakay at magbababa ng mga pasahero sa mga istasyon ng MRT-3 sa North Avenue hanggang Taft Avenue mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi mula April 15 hanggang 17 at April 20 hanggang 21 lamang, ngunit wala naman silang biyahe ng Huwebes Santo at Biyernes Santo, Abril 18 at 19.

Nauna rito, nanawagan si Transportation Secretary Arthur Tugade ng kooperasyon ng mga bus operators at magparehistro ng mas maraming unit para sa special permits.

“Sa ating mga kasamahang bus operator, malaki ‘ho ang maitutulong niyo sa ating mga commuter kung kayo’y sasali at magbibigay tulong sa programang ito,” ani Tugade.

Humingi naman ng paumanhin si Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan, sa mga commuters na naapektuhan ng kanilang maintenance shutdown.

“Hinihingi namin ang pang-unawa ng ating mananakay dahil ginagawa natin ang lahat ng paraan para ma-restore sa pinakamabilis na paraan ang ating MRT,” ayon kay Batan.

Nabatid na ang mga bus operators na nais magparehistro para sa special permit ay maaaring magtungo tanggapan ng Land Transportation Franchising and and Regulatory Board (LTFRB).

Tiniyak naman na ni LTFRB chair Martin Delgra sa mga bus operators ang mabilis na aplikasyon at proseso ng special permits para sa dagdag na mga bus.

“Ang kailangan lang po, pumunta sila sa LTFRB, didikitan sila ng stickers at bibigyan sila ng fare matrix. Sa ganitong pagkakataon, kailangan namin ang kooperasyon ng mga bus operator,” ani Delgra.

Una naman nang ipinaliwanag ng DOTr na mas matagal ang maintenance shutdown ng MRT-3 ngayon kumpara sa nakalipas na mga taon dahil sa hindi magandang kondisyon ng kanilang mga tren.

Ang annual maintenance shutdown ng MRT-3 ay sinimulan nitong Lunes Santo at magtatagal hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.

Magbabalik naman sa Lunes, Abril 22, ang normal na operasyon ng MRT-3 na  nagdudugtong sa Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City.

 

 

142

Related posts

Leave a Comment