INIHAYAG ng Philippine National Police (PNP) Regional Office 3 (PRO3) ang pagkakaaresto sa 7 suspek na responsable sa pagpaslang sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa Mexico, Pampanga noong Oktubre 4, 2024.
Kinilala ni PRO3 Regional Director PBGen. Redrico Maranan ang mga suspek na sina Anthony Limon, mastermind; Rolando Cruz, middleman; Jomie Rabandaman, middleman; Arnold Taylan, gunman; Arnel Buan, gunman; Sancho Nieto, driver; at Robert Dimaliwat, spotter.
Base sa imbestigasyon, ang ugat ng krimen ay ang P13-million na pagkakautang ng mastermind na si Limon sa mag-asawang Lulu na hindi mabayaran kung kaya’t plinano na lamang na ipapatay ang mga biktima.
Nabatid na si Limon ay isa ring top online seller at ang mag-asawang Lulu ang kanyang supplier.
Base sa exploitation sa mga cellphone na narekober, umabot sa P13 milyon ang pagkakautang ng suspek na ayaw na nitong bayaran.
Base sa imbestigasyon, umabot sa P900K ang ibinayad ng mastermind sa mga middleman na siyang kumontak sa mga gunman at kasamahan nito para isagawa ang krimen.
Matatandaang binabagtas ng mag-asawang Lulu, sakay ng itim na pickup truck, ang kahabaan ng Sto. Rosario road sa Mexico, Pampanga kasama ang 2 menor de edad, nang pagbabarilin ng riding in tandem suspects na ikinamatay ng mga biktima.
Nakaligtas naman sa pamamaril ang dalawang batang pasahero. (ELOISA SILVERIO)
52