4 OVP OFFICIALS PINAARESTO NG KAMARA

IPINAAARESTO na ng House committee on good government and public accountability ang limang tauhan ni Vice President Sara Duterte matapos mabigo pa rinng humarap sa imbestigasyon sa umano’y maling paggamit sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Sa mosyon ni Deputy Speaker David Suarez, inaprubahan ng komite na i-cite-in-contempt sina Lemuel Ortonio, Assistant Chief of Staff at Chair of the Bids and Awards Committee ng OVP; Gina Acosta, Special Disbursing Officer at ang mag-asawang Sunshine Charry Fajarda at Edward Fajarda na dating opisyales ng DepEd subalit nagtatrabaho na ngayon sa tanggapan ng Pangalawang Pangulo.

Sa hiwalay na mosyon ni Antipolo City Rep. Romeo Acop, ipinag-utos ng komite na ipakulong sa detention cell sa Batasan Pambansa ang mga nabanggit na opisyales hangga’t hindi pa nakapagsusumite ng committee report sa plenaryo ng Kamara.

Nakaligtas naman sa contempt order ang chief of staff ni VP Duterte na si Undersecretary Zuleika Lopez, dahil nasa Amerika ito para tulungan umano ang kanyang tiyahin na may sakit dahil wala itong kaanak na nag-aasikaso sa kanya.

Bago ito ay nais ni Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez na i-cite in contempt si Lopez dahil kung dati ay nagkakasakit ang iniimbitahang resource person, ngayon ay idinadahilan na ng mga ito ang kanilang mga kaanak na nagkakasakit para makaiwas.

“Mr. Chairman, medyo worrisome na itong mga excuse letter that we are being accepted by this committee. I think they have a new scheme being employed by the resource persons. Before sila yung mga nagpapa-hospital, sila yung nagbibigay ng different excuses,” ani Fernandez.

Gayunpaman, nanaig ang desisyon ng mayorya sa Komite na bigyan ng isa pang pagkakataon si Lopez.

Nakaiwas naman sa arrest order ang apat na OVP officials na sina Rosalynne Sanchez, Administrative and Financial Services Director Julieta Villadelrey, Chief Accountant ng OVP; Budget Division Chief Edelyn Rabago at Chief Administrative Officer Kelvin Jerome Teñido matapos tumugon ang mga ito sa subpoena.

Ipinaalis naman ng komite si Atty. Emily Torrentira, Legal Affairs Department Chief of OVP dahil sa pagtanggi nito na manumpa na magsasabi ito ng totoo bagama’t ang kanyang presensya umano ay para katawanin ang institusyon. (BERNARD TAGUINOD)

50

Related posts

Leave a Comment