400 KG NG SHABU NASABAT NG PDEA-LED MULTI-AGENCY FORCES

UMABOT 400 kilo ng methamphetamine hydrochloride na mas kilala bilang shabu ang nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng government security forces sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency, sa ikinasang bigtime buy-bust operation noong Biyernes ng hapon sa Pangasinan at La Union.

Ininspeksyon ni PDEA Director General Wilkins M. Villanueva ang nasabat na mga droga na pake-pakete at may tatak na Chinese Tea, na tinatayang umabot sa P 2.72 billion ang street value.

Ayon kay PDEA Public Information Office Director Derrick Carreon, matapos ang ilang linggo ng paniniktik at pagpaplano sa galaw ng hinihinalang mga miyembro ng bigtime drug syndicate ay naglatag ng anti-illegal drug operation ang PDEA Intelligence Service, PDEA RO 1, PDEA-NCR, katuwang ang Armed Forces of the Philippine (AFP) Task Force NOAH, AFP Team Navy, Bureau of Customs, at Philippine National Police.

Unang nagsagawa ng buy-bust operation ang PDEA-led team sa Turquoise St., Sunshine Village, Pozorrubio, Pangasinan dakong alas-11:30 ng umaga noong Biyernes at naaresto si Ke Wujia alyas James Dagale Galopo, 49-anyos na Chinese national, mula sa San Vicente Sur, Agoo, La Union, kasama ang tatlong Pilipino na kinilalang sina JohnBert Yagong, 21, ng San Agustin Norte, Agoo, La Union; Jenson Rey Yago, 29, ng Brgy. Codcod, San Carlos City, Negros Occidental, at Ritchell Repuesto, 28, mula rin sa San Carlos City, Negros Occidental.

Nasamsam sa mga suspek ang ang 360 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P 2.448 bilyon mula sa Chinese national at sa kanyang Filipino cohorts, kasama ang mga cellular phone, ang buy-bust money, iba’t ibang identification card, at iba’t ibang dokumentong pinansyal.

Nagkasa naman ng follow-up na buy-bust operation sa Ilang-ilang St. Brgy. Poro, San Fernando, La Union dakong alas-12:45 ng hapon na nagresulta sa pagkakaaresto sa 38-anyos na si Romel Leyese, ng Bagong Silangan, Quezon City, at 18-anyos na si John Paul T. Repuesto, ng San Carlos, Negros Occidental.

Nasamsam ang 40 kilo ng shabu mula kina Leyese at Repuesto, kasama ang mga cellular phone, iba’t ibang identification card, at financial documents.

Sila ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)

99

Related posts

Leave a Comment