4,301 HEALTH PROTOCOLS VIOLATORS HULI SA QCPD

INANUNSYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Brigadier General Antonio C. Yarra ang pagkakadakip sa kabuuang 4,301 violators sa implementasyon ng Minimum Public Health Standard (MPHS) Protocol na isinagawa noong Miyerkoles mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa Quezon City.

Ayon kay Yarra, ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng QCPD, Department of Public Order and Safety (DPOS), Task Force on Transport and Traffic Management, Task Force Disiplina, Market Development and Administration Department, at mga barangay opisyal sa loob ng nasabing siyudad.

Ang nahuling violators ay dinala sa Quezon City Memorial Circle (QCMC) para sa kaukulang documentation at lecture kaugnay sa ordinances ng siyudad na may kinalaman sa COVID-19 health protocols at para na rin sa pag-iisyu ng Official Violation Receipts (OVR).

Kaugnay nito, pinapurihan ni P/BGen. Yarra ang kanyang mga tauhan at iba pang ahensiya ng gobyerno na nagtulong-tulong para maipatupad ang pinaigting na pagsisikap na nagresulta sa maraming pagkakahuli ng mga pasaway.

“The said violators will be issued corresponding fines and citation tickets, and for those who are really hard-headed they will be arrested and will be brought to police station for proper investigation and disposition for the appropriate filing of charges in the proper court,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Mayor Joy Belmonte na ang isinasagawang kampanya ng lokal na pamahalaan ay bilang babala at i-educate ang mga residente kaugnay sa minimum health standards protocol.

“Ikinasa itong one time, bigtime operation sapagkat marami pa rin ang hindi sumusunod sa health protocols. Gayunman, ipatutupad pa rin natin ang maximum tolerance at ang mga mahuhuling lumabag ay bibigyan ng ticket,” dagdag pa niya.

“Kamakailan, namahagi rin tayo ng 1.2M face masks at 300K face shields sa ating indigent residents para maiwasan ang mga ganitong paglabag sa ating mga ordinansa,” ayon pa sa kanya. (JOEL O. AMONGO)

165

Related posts

Leave a Comment