6 ARESTADO SA P680-K HALAGA NG SHABU

NASA P680 thousand halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad sa anim na drug personalities, kabilang ang mag-asawa na nasakote sa magkahiwalay na buy-bust operation sa siyudad ng Malabon at Valenzuela, Huwebes ng gabi.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, dakong alas-9 ng gabi nang masakote ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Johnny Baltan, si Marlon Echapare, 32, (pusher/listed), Virgilio Buenaventura, 39, kapwa ng Brgy. Longos at Reggie Manlugon, 36, ng Brgy. Tanza, Navotas City sa buy-bust operation sa corner ng C-4 Road at Pampano St., Brgy. Longos matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang P500 marked money, 13 plastic sachets na naglalaman ng nasa 20 gramo ng shabu na may tinatayang standard drug price P136,000, isang cellphone at motorsiklo na ginagamit umano sa pagdedeliber ng droga.

Samantala, alas-6:30 rin ng gabi nang unang maaresto ng mga operatiba ng Valenzuela police SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan, Jr. sa buy-bust operation si Richard Alejandrino, 47, kanyang asawa na si Janette Alejandrino, 45 at Reynaldo Dela Cruz, 41, matapos bentahan ng P2,000 halaga ng shabu ang pulis na poseur-buyer sa bahay ng mag-asawa sa 168 Maysan Road, Brgy. Maysan.

Narekober sa mga naarestong suspek ang nasa 80 gramo ng hinihinalang shabu na may P544,000.00 standard drug price, buy-bust money, dalawang cellphones at isang motorsiklo.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Fernando Ortega, kapwa nasa drug watchlist nila ang mag-asawa na dati na rin naaresto dahil sa ilegal na droga. FRANCIS SORIANO

90

Related posts

Leave a Comment